SALA SA INIT, SALA SA LAMIG Ni EDDIE ALINEA
MATAPOS dispatsahin si Pilipino four division champion Nonito Donaire sa loob lamang ng second round TKO, hindi malayong tanghaling world “pound-for-pound” si Japanese Naoya Inoue.
Ang posibleng makalaban sa naturang karangalan ni Inoue ay isa-isa nang nalalaglag sa listahan. Natalo si Canelo Alvarez kay Dmitry Bivol kamakailan lang, kaya lalong lumaki ang tsansa ng 29-anyos na Japanese na tanghaling P4P king matapos na simbilis ng kidlat na lupigin ang Pilipinong future Hall of Famer, Martes sa Saitama, Japan.
Kabilang ang Sala sa Init, Sala sa Lamig sa napabilib sa tinaguriang “Monster” sa mundo ng pro-boxing dala ng kanyang malakas at mabilis na mga kamao. Kung matatandaan, nagwagi rin siya sa unang pagtutuos nila ni Donaire noong 2019, ngunit sa pamamagitan lang ng desisyon.
Bagama’t napanatili ni Inoue ang perpektong rekord sa 23-0 na may 20 KOs, nakaligtas siya sa nasabing giyera na bali ang ilong at basag ang kanang orbital dala ng mabibigat na suntok ng “Filipino Flash.” Ngunit ang mas nakakahanga, bumalik si “Monster” makaraan ang 31 buwan na mas matikas at higit na mabagsik.
Maging si Donaire ay umamin na hindi niya kinaya ang lakas ng Japanese champ sa panayam ng www.boxingscene,com. Aniya, ngayon lang siya may nakalaban na gaya ni Inoue sa halos tatlong dekadang pro-career niya. Dalawang beses bumagsak ang ngayon ay naka-base sa Las Vegas na Pinoy. Una, bago matapos ang unang round, pangalawa ay sa kalagitnaan ng second round.
Sa kabuuan, apat na minuto at kalahati lamang ang itinagal ng pagtutuos kung saan nakapagpatama si Inoue ng 42 sa mga binitiwang 85 suntok, kumpara sa 16 sa binitiwang 71 ni Donaire. May limang jab si Inoue kumpara sa 0 ni Donaire. Nagbitiw ng 55 power punches ang Hapones at 37 dito ang tumama laban sa 42-of-16 ng Pilipino.
“When I got hit, I didn’t even know I got dropped. I didn’t see that punch because I was trying to counter him and got caught. That was pretty much it. I will pretty much say that was the hardest punch I’ve ever been hit with,” pahayag ni Donaire.
“That first (knockdown), I came up completely blank.
I didn’t see that punch coming at all. I didn’t even know what happened. I was trying to counter. All of a sudden I was on the floor and (referee Michael Griffin) was counting me.
“I was like ‘What is happening? Are you kidding me?’ Then I looked in the corner and Rachel (Nonito’s wife/trainer/manager) said: ‘Put your hands up or he’ll count you out.’ And I’m like ‘Oh sh!t, I got dropped!”
Samantala, bukod sa best P4P, posibleng pakyawin ni Inoue ang “fight of the year ” “fighter of the year” at “fighter of the month.” At hindi na rin magtataka ang inyong lingkod kung siya ang pumangalawa, o baka mapantayan pa niya si world eight division champ Manny Pacquiao.
Subalit mahaba-haba pa ang lalakbayin ng Japanese champ bago niya marating ang naabot ng Pambansang Kamao. Nagsimula sa 118 libra hanggang 164 at sa loob ng 25 taon pagboboksing ay naging kampeon sa flyweight, super bantamweight, featherweight, super featherweight, lightweight, junior welterweight, welterweight at super welterweight.
Tapos na si Inoue sa super flyweight, at ngayon ay hangad niyang maging undisputed kingpin ng bantamweight division. Ngunit mangyayari lamang iyon kung lalabanan at tatalunin niya si WBO champion Paul Butler. Na kung hindi aniya magaganap ay posibleng umakyat na siya ng timbang.
