UMANI ng batikos ang Tsina matapos kondenahin ni Dr. Jose Antonio Ejercito Goitia, chairman Emeritus ng Filipinos Do Not Yield Movement, ang pahayag nito na bahagi umano ng kanilang teritoryo ang Palawan.
Sa isang matapang na pahayag, tinawag ni Goitia ang pag-aangkin ng Tsina bilang “katawa-tawa” at isang “tahasang paglabag sa pandaigdigang batas,” binigyang-diin niyang ito ay hindi lamang walang batayan kundi isa ring “pang-iinsulto sa kaalaman ng mga Pilipino tungkol sa kanilang sariling kasaysayan at kultura.”
Kinatawan ni Goitia, ang iba’t ibang makabayang organisasyon, kabilang ang People’s Alliance for Democracy and Reform (PADER), Ayansa ng Bayan para sa Kapayapaan at Demokrasya at at Liga Independencia Pilipinas (LIPI).
Iginiit niya na ang naturang pag-aangkin ay direktang sumasalungat sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), isang kasunduang nilagdaan mismo ng Tsina.
Dagdag pa niya, ang patuloy na pagpapalawak ng Tsina ay isang banta sa soberanya at teritoryal na integridad ng Pilipinas.
“Ang pang-aapi na ating nararanasan mula sa isang bansang minsan nating itinuring na malapit na kaalyado sa kalakalan at pagpapalitang kultural ay hindi matatawaran,” ani Goitia, na ipinagdadalamhati ang pagkawala ng daan-daang taong relasyon batay sa respeto at tiwala.
Si Goitia, siya ring Presidente at unang nominado ng Ang Bumbero ng Pilipinas Party List (ABP Party-ist), ay binatikos din ang historikal na rebisyonismo ng Tsina, na aniya’y nililihis ang katotohanan upang bigyang-katwiran ang agresyon nito sa teritoryo ng Pilipinas.
“Kahiya-hiya kayo sa pagtataksil sa kabutihang-loob ng inyong mga ninuno, na itinuring ang mga Pilipino bilang malalapit na kaibigan simula pa noong nagsimula ang ating kalakalan daan-daang taon na ang nakalipas,” aniya.
Mariin ding kinondena ni Goitia ang mga aksyon ng Tsina sa West Philippine Sea, partikular ang pananakot sa mga mangingisdang Pilipino at mga tauhan ng militar.
Pinuna rin niya ang mga mapanlinlang na kasunduang pang-ekonomiya noong administrasyong Duterte, na ginamit umano bilang pantabing sa patuloy na pag-angkin ng teritoryo.
“Dapat nang wakasan ang kalokohang ito. Hindi namin papayagan na agawin ninyo ang aming soberanong teritoryo at baguhin ang kasaysayan upang itulak ang inyong expansionist agenda,” babala niya, habang pinagtitibay ang paninindigan ng bansa laban sa tahasang pambabalewala ng Tsina sa soberanya ng Pilipinas.
Ang pahayag ni Goitia ay lalong nagpataas ng tensyon sa pagitan ng Pilipinas at Tsina, kung saan patuloy na nagkakaisa ang mga Pilipinong makabayan upang labanan ang agresyon ng Beijing sa rehiyon.
Maging ang mga internasyonal na eksperto ay nagbigay ng opinyon sa usapin, iginiit na ang pag-aangkin ng Tsina sa South China Sea—kabilang ang mga bahagi na nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas—ay paulit-ulit nang itinakwil ng mga pandaigdigang hukuman.
Pinagtibay ng 2016 na desisyon ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague na walang legal na basehan ang “historical rights” na iginigiit ng Tsina, ngunit patuloy itong hindi kinikilala ng Beijing.
Sa gitna ng tumitinding tensyon, ipinangako ng mga makabayang kilusan tulad ng Filipinos Do Not Yield Movement na palalakasin pa ang kanilang paglaban sa pananakop ng Tsina.
“Igalang ang pandaigdigang batas pangkaragatan,” giit ni Goitia, sabay paalala sa Beijing na ito mismo ay lumagda sa UNCLOS. “Hindi kami mananahimik habang niyuyurakan ang aming soberanya.”
Habang lumalalim ang hidwaan sa diplomasya, lalong lumalaki ang pressure sa pamahalaan ng Pilipinas upang ipagtanggol ang mga karapatan nito sa karagatan.
Samantala, nananatiling matatag si Goitia at ang kanyang mga kaalyado sa kanilang paninindigan: Hindi susuko ang sambayanang Pilipino.
