SA halip na ipatupad ang “no-vaccination, no-ride” policy, hinimok ni Senador Francis ‘Kiko’ Pangilinan ang gobyerno na gawing mas kumbinyente sa mga pasahero ang pagpapabakuna sa pamamagitan ng pagtatayo ng vaccination stations sa transportation hubs at iba pang lugar.
Iginiit ni Pangilinan na parusang maituturing ang no-vax, no-ride policy para sa mahihirap na gusto lang maghanapbuhay at walang sariling sasakyan.
Dagdag parusa rin anya ito sa mga naka-first dose lang kung hindi pa sila papayagang makagamit ng mass transport.
Ipinaalala ng senador na karamihan sa mga ito ay may kakarampot lamang na sahod at hindi pa pasasakayin sa mga dyip para makapagtrabaho.
Iginiit ng mambabatas na kung seryoso ang gobyerno na mawala ang Covid, dapat may bakunahan araw-araw sa mga bus terminal tulad sa PITX.
Dapat anyang unawain ang rason ng ilan na hindi makapagbakuna kasi hindi pwedeng mag-absent sa trabaho at arawan lang din ang kita.
Para naman kay Senador Risa Hontiveros, bagamat maganda ang intensyon, kailangan pang pag-aralang mabuti ng Department of Transportation ang implementasyon ng polisiya dahil sa mga hindi sinasadyang negatibong epekto nito.
Ipinaalala ni Hontiveros na sa ilalim ng kasalukuyang batas, hindi mandatory requirement ang vaccine card sa mga educational, employment at government transaction purposes.
Binigyang-diin pa nito na ang public transport ay essential service, kaya hindi ito dapat ipinagkakait sa kahit sinong indibidwal.
Sa ngayon, hindi pa rin anya maaaring gawing mandatory ang pagpapabakuna dahil EUA pa lamang ang ibinigay sa mga mga ito at hindi pa natatapos ang clinical trials.
Ikalawa, hindi pa anya malinaw sa polisiya kung ano ang kahihinatnan ng mga unvaccinated pero kailangang maghanapbuhay at kumita para sa pamilya.
Maaari itong maabuso dahil iba-iba ang posibleng interpretation at hindi malinaw ang implementasyon.
At ikatlo dahil wala namang unified system ang mga vaccination cards, dagdag pahirap lang ito sa mga operator at drayber na kailangan pang i-check na bakunado ang bawat pasahero.
Dahil dito, nananawagan si Hontiveros sa gobyerno na mas pag-ibayuhin ang contact tracing, pagsuyod sa mga komunidad upang mabakunahan ang lahat ng pwedeng bakunahan, at mas pinalakas na information drive. (DANG SAMSON-GARCIA)
