LARO NGAYON:
(MALL OF ASIA ARENA)
7:00 P.M. – F2 LOGISTICS VS CIGNAL
(NI JOSEPH BONIFACIO/NI MJ ROMERO)
MAGTATANGKA ang F2 Logistics na mahagkang muli ang kampeonato sa pakay nitong tapusin na ang pag-asa ng Cignal sa Game 2 ng kanilang 2019 Philippine Superliga All-Filipino Conference best-of-three Finals ngayon sa Mall of Asia Arena.
Sisiklab ang aksyon sa alas-7:00 ng gabi, kung saan hindi na pahihiritin pa ng Cargo Movers ang HD Spikers upang maibulsa na ulit ang All-Filipino title na huli nilang nahablot noong 2016.
Lumapit sa naturang misyon ang F2 matapos umeskapo sa palabang Cignal, sa Game 1 sakay ang 25-22, 26-24, 18-25, 17-25 na panalo.
Bumandera sa pambihirang tagumpay ng Cargo Movers si Kalei Mau na nagpakawala ng 27 puntos sa 25 na atake. Inaasahang susuporta sa kanya ngayon sina Aby Marano, Kianna Dy, Majoy Baron, Desiree Cheng, Dawn Macandili at Kim Fajardo.
Subalit inaasahang hindi pa rin magiging madali na makumpleto ang misyon ng F2 na siyang gigil nang makabalik sa tuktok ng Superliga matapos ang back-to-back runner up finishes kontra sa detrhoned champion na Petron.
“We’re not expecting an easy fight. In fact, we were looking forward and prepared for a hard battle in Game 1,” ani head coach Ramil De Jesus.
“Cignal pushed us to our limits so it is only fitting to double – or even triple – our performance in the next game,” dagdag naman ng kapitan na si Marano.
Lumamang ng maaga sa Game 1 ang F2 hawak ang 2-0 kartada subalit tulad ng inaasahan ay hindi agad bumitiw ang Cignal na pinatunayan ang kalibre nito bilang Finals challenger matapos sibakin ang dating kampeon na Petron sa semi-finals.
Iyon ang dahilan kaya’t kumpyansa si HD Spikers mentor Edgar Barroga na kaya nilang maitabla ang serye at makipagsabayan sa paboritong F2.
“Our confidence definitely soared after Game 1. I like what I saw on my team. I saw the fire in their eyes and I know that nobody would back down without putting up a fight,” aniya.
Upang makaparehas sa Cargo Movers, aatasan ni Barroga sina Janine Navarro, Jovelyn Gonzaga, Alohi Robins-Hardy, Mylene Paat, Roselyn Doria, Ranya Musa, Jeck Dionela at kapitan na si Rachel Ann Daquis.
