RAPIDO Ni PATRICK TULFO
IPINATITIGIL ng Korte Suprema ang pagtatalaga kay dating COMELEC Commissioner Rowena Guanzon bilang kinatawan ng P3PWD Party-list.
Sa ipinalabas na Temporary Restraining Order (TRO) ng SC, pinagbawalan nito ang COMELEC na bigyan ng Proclamation Certificate ang 5 substitute nominees ng P3PWD Party-list sa pangunguna ni Guanzon.
Ang naturang TRO ay bunsod ng petisyon na inihain ng Duterte Youth Party-list. Matatandaang tinutulan ng COMELEC na payagan ang substitution ng nominee ng Duterte Youth Party-list noong 2019 election sa pangunguna ni Ronald Cardema, pero kinalaunan nitong 2021 ay pinayagan din ng SC na makaupo ang mga substitute nominees nito na asawa ni Cardema.
Dapat ay baguhin na ng COMELEC ang regulasyon nito tungkol sa substitution ng mga nominadong kinatawan ng party-list. Dapat ay bigyan lamang ng ilang panahon para makapagpalit ng kinatawan at hindi na maaaring palitan sakaling malapit na ang eleksyon lalo na’t kung tapos na ang eleksyon. Nagdudulot lamang ng kalituhan ang pabago-bago, hindi lamang sa mga dokumento ng COMELEC kundi maging sa mga botante.
Sa kaso ng grupo nina Guanzon, marami ang nagtanong at nagulat kung bakit biglang si Guanzon na ang tatayong kinatawan ng mga kababayan nating may special needs gayung hindi naman siya kasama sa orihinal na nominees noong panahon ng filing ng certificate of candidacy. Ano raw ba ang kwalipikasyon ni Guanzon na wala sa mga naunang nominees na kailangan pa niyang palitan.
Matatandaang nanalo ang P3PWD nitong nakaraang eleksyon at nakakuha ng isang upuan sa kongreso. Pero nitong nakaraang linggo lamang ay nagbitiw ang mga kinatawan nito at ipinapasa umano ang pwesto kay Guanzon bilang first nominee. Kaya pala ipinag-mamalaki ni Guanzon noon sa kanyang post na matapos na magretiro sa COMELEC ay sa Kongreso naman ang tungo niya bilang mambabatas. Nakita pa nga itong dumalo sa pagtitipon na ipinatawag ni incoming House Speaker Martin Romualdez sa mga nanalong party-list. Kumpiyansa naman pala talaga itong makakaupo bilang kinatawan ng kanyang grupo kahit pa sinabi na ng COMELEC na tapos na ang palugit sa pagpapalit ng mga nominado dahil ang simpleng pagbibitiw lang ng mga ito ay papayagan ng Commission On Elections.
Malinaw na mayroong loop-hole o butas ang batas dito na kinakailangang takpan para hindi maabuso ng mga tulad ni Guanzon. Ang pinupunto ko lang ay kung hindi rin lang nabaldado o namatay ang ang isang nominado at hindi na nito magagampanan ang kanyang tungkulin ay hindi dapat ito pinapayagan. After all, lahat ng mga nominadong party-list representative ay nakapasa sa kuwalipikasyon na itinakda mismo ng COMELEC.
Binigyan ng SC ang COMELEC, ang Kongreso at ang grupo ni Guanzon ng sampung araw para magkomento sa nasabing TRO.
260 