(CHRISTIAN DALE)
IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Education (DepEd) at iba pang ahensiya ng pamahalaan na iporma na ang kinakailangang preparasyon at pagpaplano para sa pagbubukas ng face-to-face classes ngayong taon.
Ang kautusan ay dinisenyo para tugunan ang mga usapin na maaaring matalakay kaugnay sa pagbalik eskwela ng milyong estudyante sa buong bansa para sa nalalapit na school year 2022-2023.
Sa Cabinet meeting sa Malakanyang, tinanong si Vice President at Education Secretary Sara Z. Duterte ukol sa plano ng DepEd para tugunan ang ilang mga hamon gaya ng availability ng mga silid-aralan, guro at iba pang concerns.
“Ang gawin na lang natin [ay] i-identify saan ‘yung areas na magbe-blended learning para maka-focus tayo. Ihanda ‘yung mga devices at mga kailangan nila na noong pandemic hindi nasu-supply-an sa mga bata,” ayon kay Pangulong Marcos.
“We continue with blended learning pero in very specific places lamang. As much as possible, face-to-face na talaga,” dagdag na pahayag nito.
Napag-usapan ang isyu ukol sa kung ano ang gagawin ng DepEd sa blended learning matapos ang Oktubre 31 sa nasabing cabinet meeting lalo pa’t nahaharap sa mga hamon ang departamento.
Nakasaad sa DepEd order kamakailan, ang “blended learning shall no longer be implemented beyond Oct. 31, as the department adopts a policy seeking the full implementation of the five-day in-person classes.”
Ang iba pang usapin na nabanggit ni Pangulong Marcos ay ang internet connectivity at ang tumaas na bilang COVID-19 cases sa bansa dahil sa pagsulpot ng bagong variants ng coronavirus.
Nag-aalala ang Pangulo na maaaring makaaapekto ang mga nasabing usapin sa implementasyon ng in-person learning. Determinado naman ang Pangulo na isulong ang plano.
Kasama rin sa direktiba ng Pangulo ang pagtukoy sa mga lugar kung saan magbe-blended learning pero para sa Chief Executive, kung magagawa talaga na mag-face-to-face ay ito na ang dapat mangyaring set-up.
Iniutos na rin ni Pangulong Marcos ang pagkukumpuni sa mga paaralan na winasak ng bagyong Odette noong nakaraang taon.
