NAGTALAGA ng karagdagang mga checkpoint ang Bulacan Environment and Natural Resources (BENRO) para sa mas pinaigting na pagprotekta sa kapaligiran mula sa ilegal quarrying at illegal logging sa buong probinsiya.
Ayon kay BENRO head Atty. Julius Victor Degala, ang nasabing hakbang ay base sa direktiba ni Governor Daniel Fernando para sa mga programang pang kapaligiran.
Ang naturang checkpoints ay magbabantay sa pagbiyahe ng quarry materials upang masiguro na ang mga ito ay mula sa mga lugar na may permit.
Bilang karagdagan, bumuo rin ang kanilang tanggapan ng roving team na magbabantay sa mga checkpoint bukod pa sa regular na alas-8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon na operasyon.
Nilinaw ni Gob. Fernando na mataas ang pangangailangan sa quarrying at nagbibigay ito ng hanapbuhay sa mga Bulakenyo ngunit kailangan itong kontrolin at mahigpit na bantayan.
“Ang regulated at permitted quarrying ay namo-monitor kung kaya hindi tahasang nasisira ang kapaligiran dahil dito. Ang illegal quarrying po ang kalaban at ‘yun ang patuloy nating binabantayan at nilalabanan,” ayon sa gobernador.
Simula ng kanyang unang termino bilang gobernador noong 2019, nakapag-monitor at nakapagpatrolya na ang BENRO ng 468 ulat laban sa illegal logging; nakapagbantay at nakapag-imbestiga sa 181 quarries at mining concerns; nakapagsuri sa 35,494 sasakyan kaugnay sa kanilang accreditation stickers; at nakapagkolekta ng 128,551 piraso ng delivery receipts at transport slips. (ELOISA SILVERIO)
254