KINONDENA ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang desisyon ng Court of Appeals na nag-uutos sa Department of Agrarian Reform (DAR) at Land Bank of the Philippines (Landbank) na bayaran ng mahigit P28.488 bilyon bilang “just compensation” ang mga Cojuangco-Aquino at Lorenzo.
Ayon sa KMP, ang desisyon ng appellate court ay patunay ng walang hanggang inhustisyang dulot ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) sa mga manggagawang-bukid at magsasakang matagal nang niloloko ng huwad na reporma sa lupa.
Iginiit ni Danilo Ramos, Tagapangulo ng KMP, habang ang mga tunay na nagbubungkal ng lupa ay pinaslang, pinalayas, at sinupil, ang mga nagkamal ng kita mula sa monopolyong pag-aari sa lupa ay ginagantimpalaan pa.
Naniniwala ang KMP na hindi na dapat bayaran ang pamilyang Cojuangco, Aquino pati na ang mga Lorenzo na may malaking sapi na rin sa Hacienda Luisita.
Sa halip ay ilaan ang sapat na pondo para sa ayuda, suporta sa produksyon at kompensasyon sa mga magbubukid.
(JULIET PACOT)
