PADADALUHIN ng House Committee on Good Government and Public Accountability at House Committee on Public Accounts si Solicitor General Jose Calida sa imbestigasyon sa P95.42B utang ng mga power firm sa Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation (PSALM).
Ayon kay House Committee on Public Accounts Chairman Mike Defensor, si Calida ay kanilang inimbitahan sa gagawing ikatlong pagdinig ng komite sa Marso 11.
Pangunahin na nais nilang malaman kay Calida ay ang hakbang umano nito na maghain ng Motion for Leave to Intervene sa kaso ng Manila Electric Company at First Gen Hydro Power Corporation ukol sa P14.97B at P315.42M utang nito sa PSALM.
Una nang sinabi ng Meralco na nais nilang magbayad ng kanilang utang sa PSALM ngunit hindi nila magawa dahil na rin sa mosyon ng Solgen.
“Once the OSG withdraws its opposition, the government can collect P15 billion from Meralco,” paliwanag ni Defensor.
Umaasa si Defensor na sa pagpapatuloy ng kanilang imbestigasyon ay mas marami pang power firms na may utang sa PSALM ang magbabayad kabilang ang South Premiere Power Corp. (SPPC), na may pinakamalaking utang na P24B.
May utang din ang Northern Renewables Generation Corp na P4.6 billion; Filinvest Development Corp. (FDC) Misamis Power Corp. (P2.6B) at FDC Utilities, Inc. (P1.2B) subalit nagpahayag na ang mga ito ito ng intensyon na magbayad.
Patuloy namang sinisingil ang Independent Electricity Market Operator of the Philippines na may P8B utang; Good Friends Hydropower Resources Corp (P1.2 billion) at National Grid Corp. of the Philippines na may P548 million utang. ABBY MENDOZA
158 