UMAKYAT na sa 140,101 pamilya o katumbas ng mahigit 515,000 indibidwal ang naapektuhan ng Bagyong Goring, Bagyong Hanna at habagat sa bansa na posibleng lumobo pa dahil sa patuloy na mga pagbaha sa ilang mga lalawigan.
Batay ito sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Ayon sa datos ng NDRRMC, ang nasabing bilang ng mga apektadong residente ay mula sa 1,756 na mga barangay sa Regions 1, 2, 3, 6, CALABARZON, MIMAROPA, Cordillera Administrative Region at National Capital Region.
Nasa 915 pamilya o mahigit 3,200 indibidwal ang pansamantalang sumisilong sa 52 evacuation centers. Samantala, nananatili sa dalawa ang iniulat na namatay, isa ang sugatan at isa ang nawawala.
Samantala, maaaring magpatuloy pa ng ilang araw ang mga pagbaha sa ilang mga lalawigan dahil patuloy pa ring nagpapakawala ng tubig hanggang kahapon ang tatlong pangunahing dam sa Luzon matapos maabot ang spilling level ng mga ito.
Ayon sa PAGASA-Hydrometeorology, isang gate ang binuksan nitong nakalipas na mga araw sa Ipo Dam na may kasalukuyang .30 meters sa opening gate nito.
Samantala, apat na gate naman ang binuksan sa Ambuklao Dam na may opening na dalawang metro, at Binga Dam na binuksan ang tatlong gate.
Nabatid na kahapon, dahil sa walang tigil na pag-ulan ay umakyat ang lebel ng tubig sa tatlong dam at nanatili sa high level.
Sa huli, ayon sa ahensya, nakitaan ng pagtaas sa lebel ng tubig ang iba pang mga dam na naapektuhan sa tuloy-tuloy na pag-ulan sa malaking bahagi ng Luzon.
(JESSE KABEL RUIZ)
