MAGLULUNSAD ng imbestigasyon ang liderato ng mababang kapulungan ng Kongreso sa malalang pagbaha na naganap sa Cagayan at Isabela pagkatapos humupa ang Bagyong Ulysses.
Base sa House Resolution (HR) 1348 na inakda nina House Speaker Lord Allan Velasco, Majority Leader Ferdinand Martin Romualdez at House minority leader Joseph Estephen Paduano, inatasan ang mga kaukulang komite na magsagawa ng agarang imbestigasyon sa tila delubyong tumama sa mga nabanggit na probinsya.
“As the death toll continues to rise, and the extent of damage is slowly being revealed, there is an urgent need to examine the actions that were taken during, before and after the onslaught of Typhoon Ulysses,” ani Velasco.
Partikular na nais ng mga nabanggit na mambabatas na imbestigahan ang mga pangunahing dahilan kung bakit nangyari ang ganito kalawak na pagbaha sa Cagayan at Isabela na ayon sa mga local official ay kauna-unahan sa nakaraang 45 taon.
Kakalkalin din umano sa imbestigasyon kung mayroon mga batas na hindi nasunod sa pagpapakawala ng Magat dam ng tubig na posibleng nagpalala sa sitwasyon ng mga nabanggit na lalawigan.
“It was reported that at the height of Ulysses, 7 of Magat Dam’s gates were opened, and the discharge of water from the reservoir caused rapid and widespread flooding in the surrounding areas,” ayon sa resolusyon.
Dahil dito, matinding pinsala ang inabot ng mga residente sa nasabing mga lalawigan subalit hindi lamang ito ang nais nilang tutukan kundi ang iba pang posibleng dahilan ng paglala ng pagbaha nang manalasa ang bagyong Ulysses.
Ang nasabing bagyo ay hindi direktang tumama sa Cagayan at Isabela subalit matindi ang pinsalang inabot ng nasabing mga lalawigan na hanggang ngayon ay nakalubog sa baha.
Nag-iwan din ito ng matinding pinsala sa Metro Manila, Bicol region, Central Luzon, Cordillera Autonomous Region (CAR) at Calabarzon na ikinasawi ng 67 katao, 30 ang nawawala habang umaabot umano sa P1.5 billion ang sinirang pananim at imprastraktura. (BERNARD TAGUINOD)
