NAGHAIN ng dalawang panukalang batas ang Makabayan Bloc sa Kamara na layong tugunan ang lumalalang epekto ng mataas na presyo ng langis sa bansa.
Sa ilalim ng House Bill 8766, isinusulong ang pagbabasura sa Oil Industry Deregulation Act of 1998, habang ang House Bill 8123 naman ay naglalayong patawan ng wealth tax ang mga bilyonaryong Pilipino.
Iginiit ng grupo, na kinabibilangan nina ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio, Gabriela Party-list Rep. Sarah Elago at Kabataan Party-list Rep. Renee Co, na dahil sa deregulated oil industry ay hindi sapat na nababantayan ang galaw ng presyo ng langis at umano’y umiiral ang oil cartel.
“Hindi ito market forces lang kundi manipulasyon at pang-aabuso,” giit ng mga mambabatas.
Mungkahi ng bloc ang pagbuo ng isang independent petroleum price regulatory council na magtatakda ng presyo upang maiwasan ang pagsasamantala.
Ayon sa kanila, mabilis umanong nagtataas ng presyo ang mga oil company sa tuwing may tensyon sa Middle East kahit may umiiral pa silang imbentaryo na nabili sa mas mababang halaga.
“Ang panukalang ito ay pipigil sa agarang pagtataas ng presyo ng langis batay sa international rates kahit may mas murang stock pa,” paliwanag ng grupo.
Samantala, layon naman ng House Bill 8123 na ipasa sa pinakamayayaman ang dagdag na pasanin sa panahon ng krisis.
Sa ilalim ng panukala, papatawan ng taunang buwis ang mga indibidwal na may net taxable assets na lampas sa P1 bilyon—1% sa yaman na higit sa P1 bilyon, 2% sa lampas P2 bilyon, at 3% sa lagpas P3 bilyon.
Depensa ng Makabayan Bloc, makatarungan lamang na buwisan ang mga bilyonaryo na patuloy pang yumayaman kahit may kinahaharap na krisis ang bansa.
Batay sa datos ng IBON Foundation, maaaring makalikom ang pamahalaan ng hanggang P508 bilyon kada taon mula sa wealth tax, at humigit-kumulang P289 bilyon kung ang bubuwisan ay ang 50 pinakamayayamang Pilipino.
Iginiit pa ng IBON na kahit taunang buwisan ang mga bilyonaryo ay mananatili pa rin ang kanilang malaking yaman, habang patuloy namang nahihirapan ang milyun-milyong Pilipino sa mababang sahod at mataas na presyo ng bilihin.
(TINA MENDOZA)
50 