PAGBEBENTA SA JAPAN PROPERTIES NG PINAS, HINAHARANG

KINONTRA ng isang mambabatas ang plano ng gobyerno na ibenta ang mga ari-arian ng Pilipinas sa Japan na gagamitin umano para pambayad sa pensyon ng mga beterano.

Sa virtual hearing ng House committee on veteran affairs kahapon, inirehistro ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas ang pagtutol sa plano ng gobyerno na isubasta na ang apat na ari-arian sa Japan.

“Madam Chair, I just want to register my strong opposition to these new attempts to sell the country’s valuable war reparation assets in Japan supposedly to raise funds for the pension of war veterans,” ani Brosas.

Kabilang sa mga ari-ariang ito ang Roppongi property, Nampeidai property, Naniwa-cho property at Obanoyama-cho property na ilang beses na umanong tinangkang ibenta sa mga nakaraang administrasyon.

Naging pag-aari ng Pilipinas ang nasabing mga ari-arian sa ilalim ng Reparations Agreement sa pagitan ng Pilipinas at Japan noong May 9, 1956.

“Madam Chair, ang mga properties na ito ay hindi lamang mahalaga dahil sa napakalaking presyo nito kundi dahil sa symbolic value nito sa mga Pilipino at kasaysayan ng ating bansa,” ani Brosas.

Napakaliit na kabayaran na nga lang aniya nito sa napakaraming Pilipino na nagbuwis ng buhay at kababaihang ginawang ‘comfort women” noong World War 2.

Hindi tutol ang mambabatas na pondohan ang pensyon ng mga beterano subalit hindi umano dapat isakripisyo ang mga ari-ariang ito sa nasabing bansa.

“Marami naman tayong pwedeng pagkuhanan ng ayuda at pension para sa Filipino war veterans at hindi dapat gawing alay itong assets na sa katunayan ay naipanalo na natin noon,” ayon pa sa mambabatas.

Kailangang protektahan aniya ang mga ari-ariang ito na naging historical marker ng ating bansa sa pinagdaanang giyera ng mga Pilipino. (BERNARD TAGUINOD)

166

Related posts

Leave a Comment