HINDI natinag si Senador Grace Poe sa pagtabla ni Pangulong Duterte sa kanilang panawagan na pagbibitiw ni Health Secretary Francisco Duque sanhi ng kapalpakan nito sa pamamahala ng pagkilos laban sa pagkalat ng corona virus 2019 (COVID-19).
Sa pahayag, sinabi ni Poe na kailangan sa ngayon ng isang health chief na siyang mangunguna sa tamang landas dahil inaasahang tatagal ang health crisis dulot ng COVID-19.
“Dito sa ating pakikipaglaban sa COVID virus, hindi naman ito hanggang ngayon lang, pangmatagalan ito. Ang kailangan natin dito ay isang liderato sa Department of Health na talagang nakakaintindi, na magbibigay ng mga tamang desisyon at inspirasyon,” ayon kay Poe.
Isa si Poe sa 15 senador na lumagda sa Senate Resolution No. 362 na nanawagan sa pagbibitiw ni Duque dahil sa “failure of leadership, negligence, lack of foresight, and inefficiency in the performance of his mandate,” habang nakikipaglaban ang Pilipinas sa pandemic.
Sinabi ni Poe na dapat pinayagan na kaagad ang paggamit ng mass testing kits na inaprubahan ng US Food and Drug Administration (USFDA) na maaaring epektibo sa pagtukoy kung sinong tao ang nahawahan.
Base sa resulta ng test, makagagawa kaagad ng tumpak na intervention upang makatulong na maiwasan ang pagkalat ng virus. ERNIE REYES
314 