UMALMA si Senador Francis “Kiko” Pangilinan sa plano ng Department of Health (DOH) na bumili ng imported na personal protective equipment na nagkakahalagang P3 bilyon kaysa lokal na
produksiyon.
Sa pahayag, sinabi ni Pangilinan na kaya gustong bumili ng imported PPEs upang “makapagnakaw ang mga halang ang bituka sa Department of Budget and Management (DBM) Procurement
Services gamit ang naturang pondo.
Inihalintulad ni Pangilinan ang nangyari sa high-quality and cheaper Filipino-made testing kits, sinabi ng Confederation of Philippine Manufacturers of PPE (CPMP) na mas pinapaboran ang mga
imported na PPE.
“Pinapaboran bagamat walang test ang pinapataw sa mga ito at bagamat sobrang daming test para sa mga Filipino-made PPEs,” giit ni Pangilinan.
Aniya, pasado sa lahat ng test na nagpapatunay na ligtas ang mga PPE na gawa sa Pilipinas kaya nararapat lamang na suportahan ng pamahalaan ang lokal na produksyon upang makalikha ng
trabaho.
“Bumili ng Filipino-made PPEs at siguruhin ang kaligtasan ng mga health worker na gumagamit ng imported at substandard PPEs. Bumili ng Filipino-made PPEs at suportahan ang mahigit sa 7,000 manggagawa ng CPMP at ang karagdagang 4,000 magkakatrabaho pa dahil dito,” giit ni Pangilinan.
Kamakailan, inaprubahan ng Kongreso ang Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2 na naglaan ng halagang P3 bilyon para pambili ng PPEs lamang.
“Sa katunayan, inihain namin ang Senate Bill 1759 upang suportahan ang lokal na produksyon ng PPE at ibang medikal na gamit sa pamamagitan ng tax exemptions,” ayon kay Pangilinan.
Pero, aniya kulang ito kung prayoridad ng gobyerno ang pag-aangkat ng mga PPE sa ibang bansa.
“Hindi natin maiwasang itanong ulit: Sino ang kumikita sa imported at overpriced na PPEs?,” aniya.
Sinabi pa ni Pangilinan na sa gitna ng pandemya, kailangan tutukan na huwag nang madagdagan ang libo-libong buhay at milyon-milyong hanapbuhay na nawala.
“We call on the Cabinet Economic Cluster to push for the purchase of local PPEs and other COVID- related medical supplies and equipment. Our country needs this government fund-independent
stimulus to our economy,” ayon sa senador. (ESTONG REYES)
150
