SABONG ON AIR Ni KA REX CAYANONG
MARAMING pumalag sa pahayag ni freelance journalist Raissa Robles na hindi raw puwedeng buhayin ang turismo sa Mindanao.
Magpipiyesta lang daw kasi ang mga bandido at kidnappers.
Kasama sa mga umangal ay si Tausug-Kausug Partylist Rep. Sheree Ann Tan-Tambut.
Kung matatandaan, sa twitter post ni Robles, correspondent ng South China Morning Post at vlogger, kinutya nito ang plano ni Liloan, Cebu mayor at incoming Department of Tourism Secretary Christina Garcia Frasco na buhayin ang turismo sa rehiyon.
Aba’y tila nananakot kasi si Robles.
Pumalag din sa post na iyon si incoming Vice-President Inday Sara Duterte-Carpio.
Ayon kay Tan-Tambut, nakakadismaya na ang isang tulad ni Robles na isang Pinay na naturingan na may koneksyon sa internasyonal na media ay siya pa mismong maninira sa sarili nitong bansa.
Aniya, hindi porket hindi gusto ni Robles ang susunod na administrasyon ni incoming President Ferdinand “Bongbong ” Marcos Jr. ay may lisensya na itong magbigay ng mga maling akala sa lahat.
Halatang sumisira ito sa pagsusumikap ng Muslim Mindanao na mapanatili ang istabilidad at kapayapaan para humikayat ng mga mamumuhunan at turista.
Samantala, maging si Phil. National Police Director for Operations Police Major General Valeriano De Leon ay nagpahayag din ng suporta sa plano ni Frasco.
Sabi nga ni De leon, napapanahon na para manghikayat ng mga turista sa Mindanao.
Tama nga naman ang heneral dahil ang rehiyon ay nagtataglay ng mga natural attractions tulad ng mga beach, falls, at kabundukan.
Siyempre, mayaman din sa kultura ang Mindanao na magandang pang-akit ng mga bisita.
Tsaka, malabo ang sinasabi ni Robles.
Hindi naman matutulog ang mga awtoridad ukol sa usapin.
Magtutulungan ang PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP) para matiyak ang kaligtasan ng publiko at mga turista sa lugar.
Sa ngayon nga naman, ang mga iniuulat daw na insidente ng karahasan sa Mindanao ay isolated incidents lamang.
Nakalulungkot nga na ang isang katulad ni Robles na Pinay ay naglalabas ng Tweet na sumisira sa mismong bansa niya.
Mula nang maupo sa kapangyarihan si Pangulong Rodrigo Duterte, nabawasan na ang mga insidente ng karahasan at kidnapping sa Mindanao.
Dumarami rin ang mga sumusukong extremists, siyempre, kasama na riyan ang mga dating miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), Moro National Liberation Front (MNLF), at iba pa.
Kaya suportahan po natin ang lahat ng mga plano at polisiya ng gobyerno para sa kaunlaran at pangmatagalang kapayapaan, hindi lamang sa Lupang Pangako, kundi sa buong bansa.
