(BERNARD TAGUINOD)
PARA sa isang prominenteng kongresista, sapat na ang 36 na taon ng pagsasayang ng pondo para sa isang ahensyang bigo sa mandatong pagbawi ng mga ill-gotten wealth.
Giit ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez sa ginanap na pulong ng House committee on justice, hindi na praktikal palawigin ang Presidential Commission on Good Government (PCGG) na itinaguyod sa ilalim ng administrasyon ng yumaong dating Pangulong Corazon Cojuangco Aquino para habulin ang yamang di umano’y tinangay ng pamilyang Marcos nang lisanin ang Malacanang bunsod ng People Power Revolution noong 1986.
Bukod sa kabiguan mabawi ang yaman ng bansa, hindi rin aniya nagawa ng naturang ahensya magsampa ng kaso laban sa mga pinaniniwalaang tiwali sa gobyerno.
“For 36 years, if you’re not yet finished with the particular mandate of recovery, I think it’s failure,” ani Rodriguez.
Nang buuin ang PCGG, pangunahing mandato ng nasabing tanggapan ng bawiin ang hindi bababa sa $5-bilyong nawala sa pamahalaan. Gayunpaman, matapos ang 36 taon, P265 bilyon pa lang ang nabawi ng pamahalaan.
Aniya, taong 1990 pa nang huling maghain ng kaso ng PCGG sa pamilyang Marcos – mga paratang na inamin ng naturang ahensya.
Aminado rin ang PCGG na hindi sila nagsampa ng ng mga kasong katiwalian sa mga korap na opisyales ng pamahalaan mula nang itinatag ang nasabing tanggapan. Para sa PCGG, angkop lamang na buwagin na ang kanilang ahensya at ilipat ang mandato sa Office of Solicitor General (OSG), Department of Justice (DOJ) o di naman kaya ay sa Office of the Ombudsman.
Sa datos ng pamahalaan, lumalabas na taunang tumatanggap ng P160 milyong pondo ang nasabing komisyon.
