NANAWAGAN si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa susunod na administrasyon na kaagad simulan ang proseso ng pag-amiyenda sa Saligang Batas na may rekomendasyon na i-abolish ang party-list system.
Para sa Pangulo, sobra itong inabuso ng makakaliwang grupo.
Sa kanyang Talk to the People, araw ng Huwebes, sinabi ni Pangulong Duterte na dapat nang trabahuhin ng susunod na Pangulo ng bansa ang Charter change (Cha-cha) upang sa gayon ay hindi mabigyan ng impresyon ang publiko na nakikipagtunggali sila para sa panibagong termino.
“Kung sino ang mag-presidente ngayon na papasok, it could be as good as any other time to initiate whether to convert Congress into a constituent body or magtawag ng constitutional convention but it is very expensive to do,” ayon sa Pangulo.
Itinulak ni Pangulong Duterte ang pag-shift para sa federal form of government bilang paraan para tugunan ang national economic at power imbalance. Sa ilalim ng panukalang shift, ang bansa ay mahahati sa estado na mabubuo mula sa umiiral na rehiyon.
Ipinanukala rin ng Pangulo sa susunod na administrasyon na i-abolish na ang party-list system, sinasabing ginagamit ito ng makakaliwa para wasakin ang pamahalaan upang sa gayon ay sila ang pumalit sa gobyerno.
“Although there are a very few, but still they participate in the government that they wish to destroy. ‘Yan ang nakakatawa diyan. Pumapasok sila sa gobyerno, they participate in the governance process, and yet what they really want is to destroy that government at palitan nila ng kanila,” dagdag na pahayag nito.
Matatandaang, sa public address nito lamang Marso, kinilala ni Pangulong Duterte ang Kabataan, Anakpawis, Bayan Muna, ACT Teachers at Gabriela bilang “legal fronts of the Communist Party of the Philippines (CPP).”
Bilang tugon, inakusahan naman ni Bayan Muna party-list Representative Carlos Zarate si Pangulong Duterte ng red-tagging (CHRISTIAN DALE)
