PAGBUWAG SA PS-DBM ITINUTULAK SA KAMARA

HINDI pa man ganap na naisasara ng Kongreso ang imbestigasyon sa mga umano’y katiwalian kinasasangkutan ni dating Undersecretary Christopher Lloyd Lao at mga Tsinong nasa likod ng Pharmally Pharmaceutical Company, pormal nang inihain na sa Kamara ang isang panukalang nagsusulong sa pagbuwag ng Procurement Service of Department of Budget and Management (PS-DBM) na dating pinamumunuan ng kontrobersyal na opisyal.

Sa House Bill 10222 na inihain ni Deputy Speaker Rufus Rodriguez, inatasan din ang lahat ng national government agencies – kasama na ang state-owned or controlled corporations, colleges and universities at local government units (LGUs) na sila na mismo ang bumili ng kanilang mga kailangang supplies.

“Many issues and controversies, the most recent of which was the transfer of P42 billion by the Department of Health for face shields, face masks, personal protective equipment, and other Covid-19 pandemic-related purchases,” giit ni Rodriguez.

“The PS-DBM has also been hounded by allegations of improper procedure and overpriced acquisitions,” dagdag pa ng mambabatas, kasabay ng panawagang pagbuwag sa nasabing tanggapan.

Pasok din sa panukalang batas ang mga kawani ng nasabing tanggapan na aniya’y dapat lamang bigyan ng separation at retirement benefits gamit ang mga umiiral na batas ukol sa karapatan ng mga empleyado ng gobyerno.

Marapat din aniyang ibalik sa national treasury ang lahat ng pondong inilipat ng iba’t ibang ahensya sa PS-DBM para sa pagbili ng mga medical supplies.

“There would be a transition period of one year, during which the budget department’s procurement arm would make an inventory of purchased supplies and deliver these to the agencies. No further procurement by PS-DBM would be allowed,” ayon pa sa panukala.

Samantala, sinabi ni House committee on good government and public accountability chair Michael Aglipay na tatapusin na nila ang imbestigasyon sa kwestiyonableng transaksyon ng PS-DBM sa Pharmally kaugnay ng mga medical supplies nitong nakaraang taon.

Hindi na din ani Aglipay dapat pang pahabain ang pagdinig, sabay kastigo sa Senado na umano’y agresibo lang sa tuwing malapit na ang halalan. (BERNARD TAGUINOD)

166

Related posts

Leave a Comment