KINUMPIRMA ng Malakanyang ang nakatakdang pagdating sa bansa bukas, Marso 4, ng 487,200 doses ng AstraZeneca vaccines.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na darating ang nasabing bakuna ng alas- 7:30 ng gabi bilang bahagi ng first round ng nakalaang doses mula sa COVAX facility.
“AstraZeneca’s expected time of arrival is based on the scheduled handover of vaccines. We will notify everyone, if and when there is a change of schedule,” ayon kay Sec. Roque.
Nauna nang sinabi ni Senador Bong Go na darating na ang 487,700 doses ng AstraZeneca vaccine mula COVAX Facility.
Hindi naman nabanggit ni Go kung bakit 487,700 doses na lamang ang darating mula sa orihinal na bilang nito na 525,600 doses na bakuna.
Kamakailan ay napaulat na dahil sa kakulangan ng suplay ay maaantala ang pagdating ng bakuna AstraZeneca.
Magugunitang, nitong Lunes sana, Marso 1 unang itinakda ang pagdating ng 525,600 doses ng AstraZeneca vaccines sa Pilipinas mula sa COVAX facility ng World Health Organization (WHO).
Pero batay umano sa nakalap na impormasyon ni Health Secretary Francisco Duque III mula kay Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez, nagkaroon ng problema sa logistics kung kaya’t maaantala ang pagdating nito ng isang linggo. (CHRISTIAN DALE)
