LUBHANG palabahala sa seguridad ng mga Tsino sa bansa ang nagtulak sa Tsina para makipag-ugnayan sa pamahalaan, kasabay ng alok na tulong para tuldukan ang sunod-sunod na insidente ng mga pagdukot sa mga Chinese POGO workers.
Sa isang kalatas, hayagang nagbulalas ng pangamba si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian kay Justice Sec. Crispin Remulla.
Ani Huang, handa rin ang kanilang pamahalaan magpadala ng mga law enforcers na tutulong resolbahin ang mga kriminalidad na kinasasangkutan ng mga Tsinong nasa bansa para magtrabaho sa mga Philippine Offshore Gaming corporations.
Paglilinaw naman ng Chinese Ambassador, hindi kukunsintihin ng kanilang pamahalaan ang mga iligal na aktibidades ng mga POGO firms. Katunayan aniya, itinuturing na ilegal sa bansang Tsina ang operasyon ng mga offshore gaming firms at iba pang uri ng sugal.
Gayunpaman, kailangan pa rin aniya nilang tiyalin ang seguridad ng kanilang mga mamamayan.
“The Chinese Embassy in the Philippines will continue to strengthen communication and cooperation with the Philippine government and law enforcement agencies in particular in this regard, and handle deportation among other issues in a constructive manner,” saad sa isang bahagi ng kalatas ng embahada ng China.
Tugon naman ni Remulla, handa ang Pilipinas na tanggapin ang alok ni Huang para sa sabayang pagresolba ng mga insidenteng kinasasangkutan ng mga Chinese POGO workers. (JESSE KABEL)
