NAGTUTULUNGAN na ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) kaugnay sa imbestigasyon sa mga casino na nagagamit ng ilang DPWH officials sa maanomalyang flood control project.
Sa budget hearing ng Committee on Finance para sa P333.1 million pondo ng AMLC sa 2026, kinwestyon ni Senator Raffy Tulfo kung posible ang sabwatan ng mga big-time player mula sa DPWH at mga tauhan ng casino para makapagsagawa ng money laundering.
Sinabi ni AMLC executive director Matthew David na maaari itong mangyari at para masilip kung may ganitong modus ay nagtutulungan ngayon ang AMLC at PAGCOR para imbestigahan ang public officials partikular ang tinaguriang BGC Boys o Bulacan Group of Contractors.
Maaari rin anyang magkasa ang AMLC ng targeted on-site examination ng mga casino para malaman kung meron o walang paglabag sa mga umiiral na rules and regulations.
Maaari rin aniya nilang pag-aralan na magkaroon ng tauhan sa mga casino dahil sa ilalim ng kanilang rules ay hindi naman inoobliga na present palagi ang AMLC sa bawat iniimbestigahang indibidwal.
Idinagdag pa ni David na pagsisiyasat ng AMLC ang magiging batayan ng pag-iisyu ng freeze order at paghahain ng kaso sa mga sangkot sa money laundering.
(DANG SAMSON-GARCIA)
192
