Paghahanap ni VP Sara ng ‘resibo’ INSULTO SA PAMILYA NG DRUG WAR VICTIMS

INSULTO sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay sa war on drugs ni dating pangulong Rodrigo Duterte ang paghahanap ni Vice President Sara Duterte ng resibo o ebidensya sa 30,000 biktima para patunayan na nagkaroon ng sistematikong pagpatay, ani House assistant minority leader Arlene Brosas.

Hindi aniya nito mapagtatakpan ang katotohanan na nagkaroon ng sistematikong pagpatay, hindi lamang sa panahong pangulo ang kanyang ama kundi noong mayor pa ito ng Davao City.

“No amount of insults can cover up the killings,” ani Brosas na hindi nagustuhan ang tila pagmamaliit ng Pangalawang Pangulo sa 43 counts of murder case na kinakaharap ng kanyang ama sa International Criminal Court (ICC).

Unang sinabi ni Duterte na malayo sa 30,000 ang 43 counts of murder na kinakaharap ng kanyang ama sa ICC kaya hinamon nito ang mga nagsampa ng kaso na ilabas ang sinasabing 30,000 napatay sa war on drugs para patunayan na nagkaroon ng sistematikong pagpatay.

“Ang 43 na kaso ay hindi lang basta numero. Ito ay 43 na pamilyang nawalan ng mahal sa buhay, 43 na komunidad na nakaranas ng karahasan, at 43 na patunay na may sistemang pumapatay,” ayon pa kay Brosas.

Hinamon din ng mambabatas si VP Duterte na umuwi na ito sa Pilipinas at sagutin ang mga alegasyon laban sa kanya tulad ng maanomalyang paggastos sa kanyang confidential funds noong 2022 at 2023 imbes na tawagin istupido ang abogado ng mga biktima.

(PRIMITIVO MAKILING)

23

Related posts

Leave a Comment