PAGHAHANDA KONTRA DELTA VARIANT NG COVID-19

MAHABA na ang pinag-daanan ng bansa sa laban kontra COVID-19 matapos nitong sakupin ang mundo noong Marso 2020.

Bagamat may bahagyang pagbaba sa bilang ng dumadagdag na mga positibong kaso kada araw, nananatiling matindi ang laban kontra sa naturang virus.

Ayon sa datos ng Department of Health (DOH), nitong ika-17 ng Hulyo ay umabot na sa 1,502,359 ang kabuuang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa.

Sa kabuuang bilang na ito, nasa 47,257, o 3.1%, ang naitalang aktibong kaso.

Ang pagbuti ng ating sitwasyon ay hindi nangangahulugang maaari na tayong maging kampante, lalo na’t lumabas ang balita nitong ika-16 ng Hulyo na mayroong lokal na kaso ng Delta variant sa bansa.

Ito ay sa kabila ng ipinatupad na travel ban sa mga bansang may mataas na kaso ng Delta variant gaya ng India, Pakistan, Bangladesh, Sri Lanka, Nepal, United Arab Emirates at Oman.

Mismong ang National Economic and Development Authority (NEDA) ang nangangamba sa panganib na dala ng nasabing variant.

Ayon sa NEDA, kailangang mas paigtingin at pabilisin ang pamamahagi ng bakuna sa bansa, lalo na sa mga lugar na mataas ang bilang ng kaso ng COVID-19 bilang paghahanda sa pagpasok nito.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, 16 kaso na ang kanilang naitala – 11 ang natukoy na lokal na mga kaso, habang 5 naman ay mula sa mga OFW na galing sa mga bansang UAE, Qatar at UK. Anim sa mga kasong ito ay naitala sa Mindanao.

Dalawang kaso ang naitala sa Metro Manila.

Isang kaso sa Central Luzon at dalawang kaso naman ang naitala sa Gitnang Visayas.

Ang Delta variant ay ­unang nadiskubre sa India.

Ayon sa World Health Organization (WHO), ito ay kalat na sa 104 mga bansa kasama ang ating mga karatig bansa sa Timog Silangang Asya.

Dagdag pa ng WHO, ang Delta variant ay mabilis kumalat maging sa mga bansang may mataas ang bilang ng mga nabakunahang mamamayan.

Ang karaniwang mga nagkakasakit ay ang mga wala pang bakuna at ang mga may co-morbidity na siyang ­nagiging dahilan ng muling pagdami ng mga pasyenteng dinadala sa mga ospital.

Bilang tugon sa pagpasok ng Delta variant sa bansa, mas paiigtingin umano ng DOH ang testing at contact tracing para rito.

Sisiguruhin din ng DOH na handa ang mga ospital sa ­inaasahang muling pagdami ng mga kaso ng COVID-19.

Habang hindi pa tuluyang dumadami ang kaso ng Delta variant, kailangang mas lalong paigtingin ang pagpapatupad sa mga panuntunan ng mga health protocol.

Kailangan ding pabilisin ang pamamahagi ng bakuna sa mamamayan upang mas marami ang maging protektado laban sa mas nakahahawang Delta variant ng COVID-19.

133

Related posts

Leave a Comment