PAGHAHANDA LABAN SA MONKEYPOX

OPEN LINE Ni BOBBY RICOHERMOSO

KAILANGAN ang ibayong pag-iingat at pagigiging mapagmatyag ng publiko upang matiyak na hindi makapapasok sa bansa ang kinatatakutang monkeypox virus na kasalukuyang nananalasa na rin tulad ng COVID-19 sa ibang panig ng mundo.

At dahil nga sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga kaso ng monkeypox ay naobliga na si World Health Organization (WHO) Director-General Dr. Tedros Adhanom Ghebreyesus na ideklara ito bilang public health emergency of international concern (PHEIC).

Sa madaling salita ay idineklara na itong isang pandemya ng WHO na tulad ng COVID-19, na kung hindi mapipigilan ay maaaring magdulot din ng pinsala at maaaring magpabago ng pamumuhay ng milyon-milyong tao sa buong daigdig.

Kaya naman bagama’t tini­tiyak ni Health Undersecretary Rosario Vergeire na siya ring officer-in-charge ng DOH, na hindi pa naman nakapapasok sa bansa ang monkeypox virus, kailangan pa rin ang ibayong pag-iingat ng bawat mamamayan.

Ano nga ang monkeypox? Sa mga hindi nakakaalam, ang monkeypox ay isang uri ng virus mula sa unggoy na naisasalin sa mga daga na siya namang nagdadala nito sa tao.

Una itong natuklasan sa Africa at ang virus ay madaling maipapasa ng isang tao sa kanyang kapwa-tao sa pamamagitan ng laway, masyadong mala­pit na distansya sa isa’t isa, at maging sa pakikipagtalik ng lalaki sa lalaki at babae sa babae.

Lumalabas ang sintomas sa pagitan ng 10 hanggang 14 na araw matapos na mahawaan ang isang pasyente.

Ang mga sintomas ay kinabibilangan ng pamamaga ng lymph nodes, lagnat, sakit ng ulo, pananakit ng kalamnan, likuran at pagkakaroon ng mga pantal sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Bagama’t tinitiyak ng DOH na hindi pa naman nakapapasok sa bansa ang monkeypox virus, kailangan pa ring ang ibayong paghahanda ng health authorities laban dito.

Sa panig naman ng publiko, dapat ang ibayong pag-iingat at pangangalaga sa kanilang kalusugan.

Kaugnay nito, kailangan din ang mahigpit na ­pakiki­pagtulungan ng DOH sa mga concerned public office at private sector upang mapigilan ang pagkalat ng virus.

Kaya naman pinupuri natin ang DOH dahil sa ginagawa nitong paghahanda laban sa virus tulad ng ipinatutupad nitong four-door strategy.

Ang diskarteng “Prevent, Detect, Isolate, Treat and Reintegrate” na ginagawa laban sa Covid-19 ay mainam ding gamitin laban sa monkeypox.

Sa mga panahong ganito na ang banta ng iba’t ibang pandemya na tila lalong tumitindi, pinakamainam talaga ang mas maagap na aksyon at pagtutulungan sa pagitan ng taumbayan at ng pamahalaan.

117

Related posts

Leave a Comment