ANG Bagyong Ulysses na nanalasa sa Gitnang Luzon at sa Metro Manila ay nag-iwan ng matinding pinsala at matinding pagbaha sa mga nasabing lugar.
Napakaraming bahay ang halos bubungan na lamang ang nakikita dahANGil sa taas ng baha sa mga lugar ng Marikina at Cagayan Valley.
Umabot sa 67 ang bilang ng mga nasawi at 22 rito ay mula sa Cagayan Valley. Umabot din sa P2.14 bilyon ang pinsala sa agrikultura at P482.85 milyon naman sa imprastraktura.
Ito ay ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, bagama’t na paghandaan naman ang pananalanta ng Bagyong Ulysses sa Cagayan Valley, hindi nila inasahan ang nangyaring matinding pagbaha rito. Ang nasabing matinding pagbaha ay kaugnay ng pagpapakawala ng tubig mula sa Magat Dam.
Ilang kalamidad na ang nagdaan sa ating bansa at ang matinding pagbaha ay madalas na kasama sa pinoproblema ng pamahalaan. Ang matinding pinsala ng pagbaha sa Metro Manila at sa Cagayan Valley ang nag-udyok sa pamahalaan upang agad na umaksyon patungkol dito.
Pinagtulungang ilunsad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang Metro Manila Flood Control Management Project na nakatakdang matapos sa 2024.
Ang mabilis na pagtugon ng pamahalaan sa mga kalamidad ay ilan sa mga bagay na mas nakakapagpatatag ng kalooban ng mga Pilipino sa ganitong mga pagkakataon.
Magdadaan ang mga bagyo – mananalanta at mamiminsala, ngunit pagkatapos nito ay mabilis tayong bumabangon at handa nanaman para sa susunod na unos na kakaharapin ng bansa.
Bukod sa mga proyektong nabanggit, dapat ding tutukan ng pamahalaan ang pagsasaayos sa drainage system ng bansa.
Kailangang maging maagap ang gobyerno at ang lokal na pamahalaan ukol sa dami ng tubig na maaaring dalhin ng mga matinding pag-ulan, malalakas na bagyo, at iba pang pangyayari na maaaring magsanhi ng pagbaha.
Kailangan masiguro na kakayanin ng drainage system ng bansa ang tubig ulan at ang tubig mula sa mga dam sa mga panahong kailangan nitong magpakawala ng tubig.
Patuloy ang pamahalaan sa paghahatid ng tulong sa mga lugar na nasalanta ng bagyo ngunit hindi rito humihinto ang aksyon ng mga mambabatas.
Plano ng kongreso na magsagawa ng public hearing upang maimbestigahan ang insidente ng pagbaha sa Cagayan Valley at Isabela.
Isinumite ng ilang mambabatas ang House Resolution 1348 upang suriing mabuti at alamin kung saan nagkaroon ng pagkukulang patungkol sa pagtugon sa nasabing kalamidad. Nais ding paimbestigahan ni Pangulong Duterte ang ilegal na pagmimina at pagtotroso sa mga probinsya ng Cagayan Valley at Isabela na maaaring naging sanhi ng matinding pagbaha sa naturang mga lugar.
Nagbuo rin ng panibagong task force ang pamahalaan na tututok sa pagsasaayos at pagpapabuti ng sistema ng pagtugon sa mga sakuna at kalamidad at ng paghahanda para sa mga ito.
Inutos ni Pangulong Duterte ang pagbuo sa grupong tinawag nyang “Big Back Better” Task Force para tulungan ang NDRRMC sa pagbabantay at pagsiguro na maayos ang pagsasagawa ng paghahatid ng mga tulong.
Ang mga epekto ng kalamidad na ito ay tila paraan ng Inang Kalikasan sa pagtuturo ng leksyon sa ating lahat.
Kung hindi natin inabuso at pinabayaan ang kapaligiran, hindi sana tayo nakararanas ng ganitong katinding pagbaha.
Nawa’y magsilbing aral ito upang sa ating simpleng paraan gaya ng wastong pagtatapon ng mga basura, ay simulant nating ugaliin.
Alagaan natin ang ating kapaligiran para sa mga susunod na henerasyon.
270