MAGPAPATULOY ang pagbusisi ng Senado sa mga iregularidad sa pagbili ng pamahalaan ng medical supplies upang matugunan ang problema ng pandemya ng COVID-19.
Inaasahan din ni Senador Panfilo Lacson na hindi sapat ang isang pagdinig na lamang ng Senado sa nabanggit na kontrobersiya, bunga na rin ng mga detalye na kanila pang nabubungkal na may kinalaman sa mga transaksyon.
Nilinaw ni Lacson na hindi ang Pangulong Rodrigo Duterte o ibang personalidad ang puntirya ng imbestigasyon, kundi ang malaman ang buong detalye sa likod ng pagkakalipat ng P42 bilyon ng Department of Health (DOH) patungo sa Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM).
“Ang concern namin ay ang issues na lumalabas. Kaya sabi ko basta tungkol sa inquiry, sinusuportahan namin nang lubos ang chairman ng Blue Ribbon Committee,” paglilinaw ni Lacson sa panayam sa DWIZ radio.
“May lumalabas, in spite of resource persons’ refusal to cooperate, unti-unti naliliwanagan natin ang story behind paglipat ng P42 bilyon ng DOH sa PS-DBM,” dagdag ni Lacson.
Ayon pa sa mambabatas, ang pagbili ng mga mamahaling sasakyan ng matataas na opisyales ng Pharmally matapos makuha ang kontrata sa gobyerno ay puwedeng maidagdag sa mga batayan ng pagkakaroon ng anomalya sa transaksyon ng kumpanya sa gobyerno.
“Agad-agad parang napakaraming pera. That would buttress suspicions ang laki ng kinita nila,” dagdag ni Lacson.
“Yan pag pinagtagpi-tagpi mo may overprice. Kung wala, wala silang pambili ng sasakyan agad-agad,” paliwanag pa ng mambabatas.
Itinakda ng Senate Blue Ribbon Committee ang isa pang pagdinig sa darating na Martes, Setyembre 21.
“I don’t think one more hearing will be sufficient para makita ang ibang issues na kalakip nito… Maraming lumalabas na information. Hindi pa nakatanong karamihan na senador. Marami pang gusto tanungin,” ayon kay Lacson.
Pinasinungalingan din ni Lacson ang mga impormasyong klinaro ng Commission on Audit (COA) na walang korapsyon sa naturang transaksyon dahil tungkulin nito na mag-audit at hindi siyasatin ang posibleng korapsyon. (ESTONG REYES)
122
