PAGHAMAK NG EMPLOYER

ISANG uri ng paghamak sa pagkatao, o diskriminasyon, ang ginawa ng employer sa kanyang worker na nagbayad ng P1,056 halaga ng mga barya para sa suweldo ng kanyang manggagawa.

Ang tinutukoy po natin ay ang hindi magandang pagtrato ng Nexgreen Enterprises na pag-aari ni Jasper Cheng So sa kanilang manggagawa na si Russel Mañoza.

Kamakailan, nag-viral sa social media ang isang post na may manggagawa na pinasahod ng mga ­barya ng ­kumpanyang ­kanyang ­pinaglilingkuran.

Tapos na raw kasi ang limang buwang kontrata ni Mañoza sa nasabing ­kumpanya, kaya kailangang bigyan siya ng suweldo.

Nagulat na lamang ang manggagawa nang ­matanggap ang suweldo niya.

Sa tingin ko, isa’t kalahating tolongges ang ginawa ng may-ari ng ­kumpanya na si So sa pagpapasahod ng maraming barya sa kawawang manggagawa.

Wala ka sa ayos, ikaw kaya ang bayaran ng ganyan, ano kaya mararamdaman mo?

Matutuwa ka rin ba?

Tatanggapin ba sa sari-sari store ‘yang mga barya kapag ibinili ng isang kilong bigas?

Kahit sa grocery baka hindi pa lahat tanggapin ‘yan, maaari siguro 200 hanggang 300 piso lang, hindi lahat ng P1,056 na ‘yan.

Imbes na dalhin mo Mr. So sa iyong bangko ang mga barya na ‘yan ay sa worker mo pa ibinayad.

Nagpapatunay lamang niyan na wala kang respeto sa manggagawang Filipino tulad ni Mañoza.

Akala mo siguro walang makapapansin sa ginawa mong paghamak sa iyong manggagawa.

Ayan, binigyan ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian ng 30-araw ang Nexgreen Enterprises na pag-aari ni Jasper Cheng So na mag-apply sila ng mayor’s permit at ayusin niya ang kanyang problema sa natitira pa nilang manggagawa.

Kung magmamatigas si Mr. So ay ipasasara ni ­Mayor Gatchalian ang kanyang kumpanya, buti nga sa ‘yo!

Ipinag-utos din ng alkalde kay So na bayaran si Mañoza sa kanyang kabuuang suweldo na nagkakahalaga ng P55,614.

Natuklasan din ng City Workers’ Affairs Bureau ng pamahalaang lungsod ng Valenzuela na may paglabag sa labor law ang ­kumpanya tulad ng underpayment of wage, non-payment of the mandated social protection insurance, non-payment of overtime and holiday pay at nadiskubreng nag-ooperate ito nang walang mayor’s permit.

Dapat imbestigahan din ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang kumpanya tungkol sa limang buwan lang pinaabot ang kontrata ng kanilang mga manggagawa.

Malinaw na umiiwas ito sa mga benepisyo na itinakda ng batas sa mga manggagawa.

Ang mga ganitong klaseng kumpanya na hindi maayos ang pagtrato sa kanilang mga manggagawa ay dapat binibigyan ng leksyon ng DOLE.

Kung hindi pa nag-viral sa social media ang isyung ito ng kumpanya sa kanyang manggagawa ay hindi pa ito nabibigyan ng atensyon ng gobyerno.

Ano ba ang ginagawa ng mga opisyal ng DOLE?

Natutulog ba kayo sa pansitan?

Susubaybayan ng PUNA ang isyung ito.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email joel2amongo@yahoo.com o kaya magtext sa cel#0919-259-59-07.

211

Related posts

Leave a Comment