TARGET NI KA REX CAYANONG
IDINEPENSA ng National Security Council (NSC) ang pagkakatalaga kay Vice President Sara Duterte bilang co-vice chairperson ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Sabi nga ni NSC Assistant Director General Jonathan Malaya, wala itong epekto sa academic freedom.
Well, wala nga namang kinalaman ang NTF-ELCAC sa curriculum ng eskwelahan.
Sa usapin naman ng confidential o intelligence fund, nasa poder ito ng kalihim ng Department of Education (DepEd).
Tama nga si Malaya dahil nang ibigay ng Kongreso ang pondo sa DepEd ay may legal authorization ito saan man gamitin ng ahensya ang pondo.
Kasabay nito, ibinalik naman ni Malaya sa grupong Makabayan ang alegasyong red-tagging.
Paliwanag nga ng opisyal, hindi ang gobyerno kundi ang mga makakaliwa ang gumagawa nito.
Maihahalimbawa aniya riyan ang pagtukoy raw mismo ng yumaong founder na si Joma Sison noon sa kanilang mga kasaping grupo.
Nariyan din daw ang kuwestiyunableng pagpapaimbestiga ng Makabayan sa pagkamatay ng mag-asawang Benito at Wilma Tiamzon na pawang matataas na opisyal ng Communist Party of the Philippines (CPP).
Maging si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa ay nagsalita ukol sa pagkakaluklok ni VP Sara sa NTF-ELCAC.
Aba’y sabi ng masipag na senador, makatutulong ang pagtatalaga kay Duterte para sa masawata ang recruitment ng makakaliwang grupo sa mga kabataan.
Masaya ring sinabi ni Sen. Bato na ‘good development’ ito lalo pa’t karaniwang ang mga nare-recruit ng mga pulahan ay mga senior high school na saklaw ng DepEd at pinangangasiwaan din ngayon ni VP Sara.
Kaya malaking tulong sa task force ang bise-presidente.
Kung kakailanganin din daw ni VP Sara ay handa naman ang senador na tumulong o magbigay ng advice dito.
Maging si Sen. Imee Marcos ay nagsabi na tiwala siyang malaking tulong ang VP sa pagresolba sa isyu ng implementasyon ng NTF-ELCAC sa local government units, partikular sa bidding ng mga proyekto at programa ng ahensya at direktang pakikipag-ugnayan sa LGUs.
Mabuhay po kayo, mga bossing, at God bless!
154