PAGKAMATAY SA PAGTITIPON NG MGA POLITIKO, DAPAT MAY MANAGOT –ATTY. ABANTE

“ANG ‘di pagsunod sa simpleng regulasyon ay maaaring magdulot ng kapahamakan. Halimbawa: nito lamang ginamit ang Ninoy Aquino Stadium (isang sports venue) para sa “patawag” ni Mr. Francisco Domagoso kahit ang permit noon ay para lang sa sports events. Anong nangyari? Nagsiksikan, nagkagulo, may senior citizen na na-heat stroke, patay! Si Konsehal Apple Nieto nagpa-bingo sa kalsada, may batang nasagasaan. Patay. Mananagot ang mga dapat managot.”

Ito ang inihayag ni Manila public information office chief Atty. Princess Abante, nang kanyang batikusin ang isang social media post ukol sa fake memo ng city legal office na nagpapaalala sa regulasyon sa pagkuha ng special permits para sa ilang okasyon, partikular na sa mga dinadaluhan ng maraming tao.

Ang fake memo ay sinadyang baguhin ang nilalaman para palabasin na kasama ang mga pribadong okasyon gaya ng birthday at binyagan.

Ayon kay Abante, “there is no room for disinformation in the city of Manila. Ang special permit ay usapin ng batas, hindi ng pulitika. Ang memo ukol sa special permit ay batay sa Ordinansang ipinasa noon pang 2022. Ang Comelec nga sumunod, kayo ayaw n’yo?”

Binigyang-diin din ni Abante na ang nasabing memo ay batay sa matagal nang umiiral na City Ordinance No. 8331 at tatlong taong gulang na Executive Order No. 12, Series of 2022 na ipinasa at inilabas upang protektahan ang publiko sa mga nasabing uri ng pagtitipon.

Binatikos ni Abante ang malisyosong intensyon na iligaw ang publiko sa pamamagitan ng disinformation campaign na inilunsad ng Manila Chapter ng Partido Federal ng Pilipinas laban sa memo na inilabas noong January 20, 2025 ni City Legal Officer Atty. Veronica Lladoc. Ang post, aniya, ay batay sa pekeng memo na dinagdagan ang nakasaad at una nang ipinost ng kampo ni Isko Moreno.

“Fake news na nga, pinatulan pa ulit ng another fake news. Simpleng bagay pilit pinalalaki. Itatama natin ang pananaw. Malayo ito sa pagkitil sa right to peaceful assembly ng taumbayan. Yung isang Facebook page may “martial law-martial law” pang nalalaman. Nakakatawa, pero mas nakakagalit dahil niloloko nila ang pangkaraniwang tao,” ani Abante.

Hindi naman bago ang pagkuha ng special permits. Ito ay ordinaryong proseso upang tiyakin ang maayos na koordinasyon at kaligtasan ng publiko, at pagsunod sa kaligtasan ng pasilidad na pagdarausan.

“Simple lang ang memorandum. Kung may-ari ka ng sinehan at ang business permit mo ay para sa public exhibition ng pelikula, pero gusto mong gamitin ito para sa ibang aktibidad, kailangan mong mag-apply ng special permit. Sa business permit, nakasaad ang specific purpose ng isang establisyimento. Kaya kung ang venue mo ay sinehan, dapat pang-sinehan ang mga aktibidad doon. Kung gagamitin ito sa ibang bagay, kailangan ng special permit dahil lagpas na ito sa saklaw ng orihinal na regular permit,” saad ni Abante.

Dagdag pa niya: “Ang permit ay instrumento ng lokal na pamahalaan upang matiyak ang public safety at public convenience. Mismong Comelec nga, noong ginamit nila ang sinehan ng SM Manila para sa COC filing nitong Oktubre, nag-apply ng special permit. Nabigyan sila agad—walang delay, walang red tape—dahil sumunod sila sa tamang proseso at iginagalang ang mandato ng lokal na pamahalaan.” (JESSE KABEL RUIZ)

6

Related posts

Leave a Comment