IGINIIT ng ilang residente na imbestigahan ang katotohanan sa mga reklamo laban sa isang mambabatas sa Quezon City.
Kaugnay ito ng isinampang reklamo laban kay Quezon City 5th District Representative Patrick Michael “PM” Vargas ng ilang indibidwal mula sa nasabing lungsod.
Nabatid na sinampahan ang kongresista ng magkahiwalay na kaso sa Quezon City Prosecutor’s Office na may kaugnayan sa pagbili umano ng boto at acts of lasciviousness.
Sa reklamo ng dalawang hindi nagpabanggit ng pangalan na indibidwal na nagmula sa distrito ni Vargas, inakusahan nila ang mambabatas na lumabag sa mga probisyon ng Omnibus Election Code at Commission on Elections (Comelec) Resolution No. 11104.
Iginiit ng mga nagrereklamo na nakatanggap sila ng text message noong unang bahagi ng Abril mula sa isang indibidwal na sinasabing kaanib ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), na nag-iimbita sa kanila sa isang event para sa Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP).
Ngunit pagdating sa venue, natuklasan nila na inalis sila sa listahan ng mga benepisyaryo dahil sa hinalang hindi sila sumusuporta kay Vargas.
Binanggit din ng mga ito na pili lamang ang binahaginan ng tulong pinansyal. Bilang ebidensya, nagsumite ang mga complainant ng video na nagpapakita ng pera na ipinamigay umano sa mga dumalo, na may halagang umabot sa P3,000.
Sa kanilang sinumpaang salaysay, binigyang-diin ng mga nagrereklamo na hindi sila kaanib sa sinomang kalaban sa pulitika ni Vargas, at sinabing lumapit sila nang masaksihan ang kanilang inilarawan bilang “flagrant vote-buying” sa panahon ng aid event.
Sa isa namang reklamo, inakusahan ng isang babae si Vargas ng acts of lasciviousness na nangyari aniya noong huling bahagi ng Pebrero.
Kwento ng babae, inimbitahan siyang makipagkita sa kongresista na inakala niyang para sa isang opisyal na pagpupulong ngunit nauwi sa sexual harassment.
(RUDY SIM)
