WALANG dudang salot sa lipunan ang kalakalan ng ipinagbabawal na gamot. Ito rin ang mismong dahilan sa likod ng agresibong kampanyang pirming inilunsad ng mga nagdaang administrasyon.
Pero paano mananalo sa giyera kontra droga kung ang anay ng lipunan nasa loob mismo ng mga ahensyang binigyan ng mandato para tapusin ang bisyo at mga sindikato sa likod ng ilegal na negosyo?
Sa puntong ito, higit na kailangan ang kolektibong pagkilos ng Philippine National Police at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), napapanahong ideya na kapwa kinatigan ng kanilang pamunuan.
Ano nga ba ang angkop na estratehiya para talunin ang lintik na sindikatong nagpapakalat ng droga?
Una, kailangan rebisahin muna ng PNP at PDEA ang istruktura at polisiya sa kani-kanilang kampanya kontra droga. Dangan naman kasi, marami sa mga kasong isinampa sa husgado, binabasura lang kung hindi man naabswelto. Ang karaniwang dahilan – kapalpakan sa pagsasampa ng asunto, mahinang testimonya ng mga testigo at ang mga bulilyasong kinasangkutan ng mga operatiba ng gobyerno.
Pangalawa, kilalanin ang katauhan ng mga sumasabak sa aktwal na operasyon. Hindi na bago ang diskarteng “recycling” sa hanay ng PNP at PDEA. Ang drogang nasamsam, sinusubi kung hindi man binabawasan. Ang kinultab na ebidensya, pinapabenta sa iba kung hindi sila mismo ang gagawa ng pera.
Ikatlo, dapat walang kinikilalang estado sa buhay – pobre o mucho-dinero, dakpin kung kumpirmadong sangkot sa kalakalan ng droga.
Angkop din marahil ang matibay na ugnayan sa pagitan ng mga nasabing ahensya para hindi malagay sa alanganin ang mga isinasalang na operatiba.
At s’yempre pa, marapat lang na walang adik sa hanay nila. Mula sa tagapamuno hanggang tagapunas ng mesa, dapat walang bahid ng droga.
