HINDI rin pinaboran sa Senado ang panukalang limitahan sa mga bakunado ang pagpapapasok sa ilang commercial establishments.
Para kay Senador Win Gatchalian, mas maiging ipagpaliban muna ito hangga’t hindi pa nagkakaroon ng sapat na suplay ng bakuna laban sa COVID-19.
“Sa ngayon mahirap gawin ‘yan dahil hindi sapat ang supply ng vaccines natin. Marami na ang gustong magpabakuna pero ang problema naman ay kulang ang supply,” paliwanag ni Gatchalian.
“Until such time na marami na ang bakuna at mayroon pa ring mga taong ayaw magpabakuna, siguro maaari na nating pag-isipan ang panukalang ‘yan para maengganyo natin ang lahat na maging bakunado,” dagdag ng senador.
Binanggit niyang halimbawa ang Valenzuela City kung saan umabot na sa 300,000 ang backlog ng mga hindi pa bakunado.
Kahit na aniya nasa 52% na ng target population ang nabigyan ng first dose, nasa 34% pa lamang ang nakakumpleto ng bakuna o nakakuha na ng second dose.
“Hindi sa ayaw ng mga taong magpabakuna, walang bakuna na makuha at maraming local government units (LGUs) na humihingi pa ng bakuna. Marami akong kausap na mga LGUs sa probinsya na namomroblema sa supply ng bakuna. Kulang na kulang pa talaga,” pagdidiin ni Gatchalian.
Sa kabuuan ng National Capital Region (NCR), sinabi ni Metro Manila Development Authority (MMDA) chairperson Benhur Abalos na nasa 43.5% na noong Agosto 22, 2021 ng target na mabakunahan o umabot sa 4,262,546 ng mga residente sa Kalakhang Maynila ang fully vaccinated na. (ESTONG REYES)
164 