PINURI ni Senador Erwin Tulfo ang mga e-wallet firms sa pagsunod sa 48-oras na ultimatum ng Bangko Sentral ng Pilipinas simula noong Agosto 14, upang alisin ang mga link ng online gambling sites sa kanilang mga mobile application.
“Pinupuri natin ang hakbang ng mga e-wallet company na i-delink ang mga online gambling sites mula sa kanilang mga platform. Isa itong patunay na handang makipagtulungan ang pribadong sektor sa gobyerno sa paglaban sa lumalalang problema ng online gambling addiction sa ating bansa,” ani Tulfo, chairperson ng Senate committee on Games and Amusement.
Ngunit binigyang-diin ng senador na hindi dapat matapos sa kooperasyon ng e-wallet companies ang aksyon ng Senado dahil para kay Tulfo dapat ay maisama rin ang iba pang online platforms.
Napag-alaman ni Tulfo na ang mga kumpanya sa likod ng online gambling sites ay doble-kayod din ngayon sa paglipat sa ibang mobile applications gaya ng Viber, Telegram, Lazada, at iba pang apps.
Isa sa mga halimbawa na kanyang binanggit ay ang advisory mula sa BingoPlus na nagsasabi sa kanilang mga kostumer na madali pa rin silang ma-access.
Nakasaad sa advisory: “Starting August 16, BingoPlus will bring you the fun through our app, website, and Viber, while still allowing easy deposits and withdrawals via Cash and Maya.
Your account stays 100% active and ready to play!”
Nabanggit din sa advisory na pwedeng maglaro gamit ang Viber.
Isa pang aplikasyon na ginagamit para maging accessible ang online gambling ay ang Lazada, kung saan nagbebenta ng vouchers ang BingoPlus. Ang mga vouchers na ito ay maaaring gamitin bilang credit points para makapaglaro sa kanilang app.
Tulad ng ibang produkto sa Lazada, maaaring bilhin ang BingoPlus vouchers gamit ang e-wallet, debit card, o credit card.
“Malayo pa ang laban kontra sa accessibility ng sugal sa publiko, at gagawin natin ang lahat upang makipagtulungan sa pribadong sektor at iba pang stakeholder para makabuo ng mas malawak at epektibong solusyon sa problemang ito,” ani Tulfo.
“Hindi tayo magkaaway rito. Tayo ay magkaalyado na dapat magtulungan para masigurong hindi maging sugalero ang susunod na henerasyon ng mga Pilipino,” dagdag pa niya.
