PINANGANGAMBAHANG muling lumobo ang mga kaso ng COVID-19 sa Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela (CAMANAVA) area sa pagpasok ng Bagong Taon bunsod ng kaliwa’t kanang pagtitipon at pagwawalang-bahala ng mamamayan sa safety protocols, at tila senyales nito ang 25 nagpositibo sa virus sa Valenzuela City noong Disyembre 28.
Batay sa huling update ng City Epidemiology and Surveillance Unit, 42 ang active cases sa lungsod. Pumalo na sa 35,929 ang confirmed cases at 35,042 ang recovered matapos na may isang naitalagang gumaling, habang mapalad na hindi nadagdagan ang 845 na namatay.
Samantala, ayon sa Malabon City Health Department, walo ang nadagdag na confirmed cases sa nasabing petsa sa lungsod. Ang mga bagong kaso ay naitala sa Barangays Acacia (1), Baritan (1), Flores (1), Longos (1), Muzon (1), Santulan (1), at Tugatog (2). Sa kabuuan ay 21,331 ang positive cases sa Malabon, 27 dito ang active cases.
Habang isang pasyente mula sa Barangay Tugatog ang nadagdag sa bilang ng mga gumaling. Sa kabuuan ay 20,651 ang recovered patients ng siyudad.
Nagkaroon naman ng pagbabago sa datos ng mga gumaling sa Barangay Flores dahil isang pasyente nito ang muling nagpositibo sa COVID-19. Mula 546 ay magiging 545 na lamang ang bilang nito.
Anim naman ang nagpositibo sa virus sa nasabing araw sa Navotas at dalawa lamang ang gumaling. Sumampa na sa 17,663 ang nasapul ng pandemya sa fishing capital, at dito ay 17,092 na ang gumaling at walang nadagdag sa 547 na COVID fatalities.
Wala pang inilalabas na COVID-19 cases update ang Caloocan City habang isinusulat ito.
Kaugnay nito, hindi na maglalabas ng arawang update ukol sa COVID-19 cases ang Kagawaran ng Kalusugan simula sa Enero 1, 2022, at posibleng maging dahilan ito na “makalimutan” na ng mamamayan na mayroon pang pandemya, at ang Omicron variant na kasalukuyang nananalasa sa Europa at Estados Unidos na malaki ang tsansang maging dominant variant din sa bansa at magdulot ng malawakang perwisyo. (ALAIN AJERO)
222
