PAGLUWAG NG MINING RESTRICTIONS, MALAKING TULONG SA EKONOMIYA

ANG pagmimina ay isa sa mga pinakamahalagang industriya na higit na makatutulong sa pagbangon ng ating ekono­miya.

Sa kasagsagan ng pandemya, iniulat ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ang naturang industriya ay nakapag-ambag ng halos P102.3 bilyon sa ating gross domestic product noong taong 2020.

Ayon sa DENR, ang produksyon ng gold, nickel ore, mixed nickel cobalt sulfide, scandium oxalate, chromite, at iron, ay nakapag-generate ng P132.69 ­bilyon samantalang ang kabuuang halaga ng mineral, mga produktong mineral, at mga hindi metallic na mineral na ating na-export ay umabot sa $5.2 bilyon.

Inaasahan nating mas lalago pa ang industriya ng pagmimina sa mga susunod na taon dahil ilang araw bago matapos ang 2021, nilagdaan ng dating Environment chief Roy Cimatu ang isang administrative order na nagbabalik sa open-pit mining operations sa ating bansa.

Matatandaang apat na taon na ring nakahinto ang lahat ng open-pit mining operations matapos itong ipagbawal ni dating ­Environment chief Gina Lopez dahil sa maaaring hindi magandang epekto nito sa kalikasan at kaligtasan ng mamamayan.

Matagal nang pinayagan ng Pilipinas ang open-pit ­mining ­operations, katunayan nito ay tayo ang pinakamalaking exporter ng nickel ore sa buong mundo, ngunit ang pagbabawal ni Lopez ay nagresulta sa pagtigil ng napakaraming mining operations, kabilang na rito ang Tampakan Copper-Gold project ng Glencore Xtrata at Indofil na nagkakahalaga ng $5.9 bilyon, bagama’t pinatigil ang proyektong ito noong 2010 pa sa ilalim ng utos ng lokal na pamahalaan ng South Cotabato.

Ang Tampakan Copper-Gold project din ang ­pinakamalaking foreign direct investment ng Pilipinas.

Malugod na tinanggap ng industriya ang pagluluwag ng restriksyon sa pagmimina, ngunit dahil ang mga mineral ay maituturing pa ring “public assets,” ang mga desisyon ukol sa mga ito ay nararapat lamang na sumailalim sa masusing pagsisiyasat mula sa publiko.

Hindi natin maipagkakaila na ang naturang industriya ay nakakagawa ng maraming trabaho, maraming oportunidad para sa ating ekonomiya, at nakakapagbigay ng kita sa gobyerno. Kaya naman upang mabalanse ang pangangailangan ng ­ating ekonomiya at kaligtasan ng ­ating kalikasan at mamamayan, higit na kailangan na ang bawat operasyon ukol dito ay palaging gawing maayos at responsable.

Bagama’t naibalik na ang open-pit mining activities, naniniwala akong kinakailangan ng ­ating pamahalaan na maging mas matatag sa kanilang mga desisyon, lalo’t kung ito ay nakakaapekto sa mga plano at operasyon ng mga negosyo.

Higit sa lahat—kailangan natin ng sariling pagkakakitaan upang ang ating bansa ay makabangon, at ang pagluluwag ng polisiya sa pagmimina ay isa lamang sa mga siguradong paraan na makatutulong.

230

Related posts

Leave a Comment