SA GANANG AKIN NI JOE ZALDARRIAGA
MARAMING mga hayop sa bansa, partikular na ang aso at pusa, ang pagala-gala lamang dahil walang pamilyang nag-aalaga sa kanila. Tayong mga tao bilang pinakamataas na uri ng nilalang ay may responsibilidad na pangalagaan, pahalagahan at bigyang proteksyon ang mga hayop dahil ang bawat buhay sa mundo ay mahalaga.
Ang mga aso at pusa na nakikita sa lansangan ay wala naman ibang hangad kundi ang makakain, makainom, at makahanap ng lugar kung saan ito maaaring matulog at magpahinga kapag nakararamdam ng pagod. Nangangailangan sila ng proteksyon dahil kung iisipin, delikado ang kanilang kalagayan dahil madali silang magkasakit bunsod ng kakulangan sa sustansya at maaari ring maaksidente dahil sa pananatili sa lansangan.
Hindi likas na katangian nila ang manakit ng mga tao nang walang dahilan maliban na lamang kung may problema sa pag-iisip. Nakalulungkot lamang na sadyang mayroong mga taong walang puso at malasakit para sa kanila. Bagama’t likas sa mga Pilipino ang pagiging mapagmahal sa mga aso at pusa, marami paring naitatalang kaso ng kalupitan sa mga hayop. Marami rin ang kaso ng pangmamaltrato at pagpapabaya.
Kung hindi niyo nalalaman, tayo ang unang bansa sa Asya na nagkaroon ng batas para sa mga hayop. Sa kasalukuyan, mayroon tayong dalawang batas. Ang una ay ang Republic Act (RA 8485) o ang The Animal Welfare Act of 1998 na nagsusulong sa kapakanan ng mga hayop sa bansa. Ang ikalawa naman ay ang Republic Act No. 10631 na isinabatas upang baguhin ang ilang mga bahagi ng RA 8485. Sinomang mapatutunayang lumabag sa naturang batas ay maaaring makulong ng anim na buwan hanggang dalawang taon at pagbayarin ng multa na hanggang P250,000.
Ayon kay Philippine Animal Welfare Society (PAWS) Executive Director Anna Cabrera, tanging mga beterenaryo lamang ang maaaring magdesisyon kung dapat bang kitilin ang buhay ng isang hayop batay sa pisikal na kalagayan nito at kung talagang matutukoy silang panganib sa komunidad.
Sa aking personal na opinyon, dapat mas paigtingin pa ang pagpapatupad ng mga batas na nagbibigay ng proteksyon sa mga hayop dahil sa kabila ng pagkakaroon nito, mayroon pa ring mga taong sadyang matapang at mapagmalupit sa mga kawawang aso at pusa. Kung hindi man daragdagan ang batas para sa hayop, mainam kung mas pabibigatin ang parusa sa mga lalabag nito. Makatutulong kung ang mga lokal na pamahalaan ay magkakaroon ng mga ordinansang susuporta sa batas para sa mga hayop. Maaari ring bigyan ng pabuya ang sinomang magsusumbong ng kaso ng pang-aabuso at pangmamaltrato na siyang mga karaniwang violation.
Nakagagaan naman ng kalooban ang pagdami ng mga organisasyong gaya ng PAWS na nagsusulong ng karapatan at kapakanan ng mga hayop. Marami ring mga animal advocate ang naghihikayat sa mga tao na mag-ampon ng mga aso at pusa na palaboy-laboy o ‘di kaya’y namamalagi sa mga animal shelter sa halip na bumili ng mga bago at may magandang lahi dahil ang totoo, maganda man o hindi ang lahi, pare-pareho lamang silang may kapasidad makapagpasaya at makapabigay ng pagmamahal sa mga tao.
Walang boses ang mga hayop. Hindi nila kayang sabihin kung mayroon silang iniindang sakit o kung natatakot ba sila o masaya, ngunit mayroon silang ibang paraan upang maiparating sa atin anoman ang nais nilang sabihin. Tayong mga tao ang dapat na magsisilbing boses nila sa pagsusulong ng mga kapakanan at karapatan na hindi nila kayang ipaglaban.
1385