PAGPAPAIGTING SA LABAN KONTRA COVID-19, KAILANGANG TUTUKAN

KUNG ating ikukumpara sa nakaraang dalawang taon, tila mas naging maganda ang pagsalubong natin ng Bagong Taon ngayon dahil sa pagsasailalim ng bansa sa mas maluwag na quarantine restriction.

Sa kasamaang palad, wala pa mang isang linggo mula nang pumasok ang taong 2022 ay pumalo na sa higit 20,000 ang arawang kaso ng COVID-19. Ayon sa ilang eksperto, maaari pa itong umabot sa 40,000 kung ‘di mag-iingat at magiging lubos na kampante ang mga tao.

Bagama’t inaasahan ng pamahalaan na magkakaroon ng pagtaas sa kaso ng COVID-19 kada araw sa pagsapit ng Pasko at Bagong Taon, mukhang ikinagulat din nito ang biglaan na pagsipa ng daily infection rate.

Maging ang presidential front runner sa mga survey na si ­dating congressman, governor at senador Ferdinand Marcos, Jr. o BBM, ay na-expose rin sa mga staff na nag-COVID positive, dahilan kaya minabuti muna mag-isolate.

Bagama’t naging mabilis ang muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 ngayong taon, kung ito ay ikukumpara sa kaparehong insidente noong 2021, ang bilang ng mga pasyenteng nasa kategoryang ‘severe’ o ‘critical’ ay hindi hamak na mas mababa ngayon, marahil dahil na rin sa pagbabakuna ng mamamayan na ayon sa mga ulat ay nakatutulong upang maibsan ang epekto ng COVID-19.

Tunay na maraming buhay ang naililigtas ng bakuna. ­Maaaring hindi nito mapipigilan ang pagkakaroon ng virus ngunit tiyak na magiging mas madali para sa ating katawan ang paglaban sa sintomas nito.

Lalong mahalaga ngayon ang magsagawa ng mga kampanya ukol sa benepisyo ng pagpapabakuna dahil marami pa rin ang hindi lubos na naniniwala sa bakuna lalo na sa mga lugar na hindi agad naaabot ng mga impormasyon mula sa telebisyon at radyo. Higit sa lahat, kailangan pang paigtingin ang programang pagbabakuna ng pamahalaan. Mismong ang Pangulo na ang naghihikayat na magpabakuna ang mga Pilipino at lagyan ng ‘restrictions’ ang mga pasaway na ayaw magpabakuna.

Ang laban na ito kontra COVID-19 ay hindi lamang nakasalalay sa pamahalaan. Mahalaga rin ang papel na ­ginagampanan ng mamamayan. Kailangan palaging sumunod sa mga ­pamantayang pangkaligtasan at pangkalusugan na ipinatutupad ng pamahalaan. Kasabay ng pagtaas ng kaso ay ang mga balita ukol sa kabi-kabilang paglabag sa ipinatutupad na quarantine protocols.

Kailangan paigtingin ang pagpapatupad ng batas laban sa mga ganitong insidente.

Hangga’t hindi nakokontrol ang mabilis na pagkalat ng virus, ang paggalaw ng mga tao, ang paglago ng ekonomiya, at ang kalusugan ng lahat ay mananatiling nasa alanganin. Babalik at babalik tayo sa kung saan tayo nagsimula kung hindi mahahanap ng pamahalaan at ng sambayanan ang tamang balanse sa ating kasalukuyang sitwasyon.

Tayo bilang mamamayan, gawin din natin nang maayos ang ating papel sa laban na ito. Ipagpatuloy ang pagsusuot ng tamang kalidad ng mask at siguraduhing nakatakip nang maayos ang bibig at ang ilong. Lagi ring maghugas ng kamay at gumamit ng alcohol. Patuloy ring ipatupad ang social distancing kahit sa loob ng tahanan. Hangga’t maaari ay iwasan munang lumabas ng bahay.

Huwag tayo mawalan ng pag-asa. Patuloy tayong maniwala na ang pandemyang ito ay pansamantala lamang. Pasasaan pa’t makababalik din tayo sa ating normal na takbo ng buhay. Sa ngayon, tayo ay magkaisa bilang isang bansa sa kontra sa COVID-19.

135

Related posts

Leave a Comment