INILUNSAD ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang inisyatibong “Sa Bagong Pilipinas, Bawat Bayan Makikinabang” na layong palakasin ang kapasidad ng local government units (LGUs) sa pamamagitan ng mas mataas na suportang pinansyal.
Sa paglulunsad sa Malacañang Palace, binigyang-diin ng Pangulo ang mahalagang papel ng LGUs bilang frontliners sa serbisyo publiko.
Ayon sa Pangulo, sa loob ng mahigit tatlong dekada, nagsilbing tulay ang Local Government Support Fund (LGSF), bukod pa sa National Tax Allocation (NTA), sa pagitan ng pambansang pamahalaan at mga lokal na komunidad.
Gayunman, inamin niya na naging mabagal ang implementasyon ng ilang proyekto dahil sa dating demand-driven system na nangangailangan ng kumpletong requirements bago maipalabas ang pondo.
Dahil dito, nagsagawa ng konsultasyon ang administrasyon sa mga grupo tulad ng Union of Local Authorities of the Philippines, League of Municipalities of the Philippines, at League of Cities of the Philippines.
Ngayong taon, itinaas sa mahigit P34 bilyon ang LGSF, na nagdala sa kabuuang halos P58 bilyon na pinakamataas sa kasaysayan.
Kabilang sa mga prayoridad na popondohan ang pamamahagi ng 60 kilo ng bigas sa mahigit limang milyong pamilya; pagtatayo ng ospital at health stations; evacuation facilities; farm-to-market roads; at pagpapabuti ng water supply at rural electrification.
Iniutos din ng Pangulo ang direktang pagpapalabas ng pondo sa LGUs upang maiwasan ang pagkaantala sa implementasyon ng mga proyekto.
(CHRISTIAN DALE)
4
