PAGPAPALIT NG LIDERATO NG AFP DINALUHAN NI PBBM

OPISYAL nang iniluklok kahapon ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. si Southern Luzon Command chief Ltgen Bartolome VO Bacarro bilang 58th Armed Forces of the Philippines chief of staff sa ginanap na change of command ceremony sa Camp General Emilio Aguinaldo sa Quezon City.

Sa turnover ceremony ay ikinuwento ni Pangulong Marcos kung paano naging isang medal of valor awardee ang hinirang niyang bagong AFP chief na kanyang pinagkatiwalaan na tutupad sa kanyang mithiin ng isang payapa at maunlad na bayan.

Naniniwala si PBBM na hindi magiging madali at magiging masalimuot ang pagtupad niya sa kanyang layunin para sa bayan subalit sa pagkakaroon ng isang buong military organization sa pamumuno ni Bacarro ay makakamit ito nang sama-sama.

Mauupong ika-58 AFP chief ang Medal of Valor Awardee na si Lt. Gen. Bacarro na kauna-unahang pinuno ng AFP na magsisilbi sa hukbo na may 3-year fixed term sa bisa ng RA 11709.
Pinalitan ni LtGen. Bacarro si General Andres Centino Jr. na kaklase niya sa Philippine Military Academy (PMA) “Maringal” Class of 1988.

Pinasalamatan ni Bob Bacarro si Pangulong Marcos sa tiwalang ipinagkaloob sa kanya para pamunuan ang Hukbong Sandatahan at ang mga taong sumuporta sa kanya para makamit ang pinakamataas na tungkulin. (JESSE KABEL)

238

Related posts

Leave a Comment