PAGPAPATULOY NG ISPORTS SA GITNA NG PANDEMYA

NGAYONG panahon ng ­pandemya kung saan ­limitado ang mga industriyang kinakayang makapagpatuloy, napakalaking bagay para sa mga sumusubaybay sa isports na kasama ang industriyang ito sa patuloy na namamayagpag sa gitna ng pandemyang ­COVID-19.

Sa totoo lang, hindi ko inakala na maaaring makabilang sa mga negosyong maaaring magpatuloy ng operasyon ngayong panahon ang mga negosyong may kinalaman sa isports.

Ang mga propesyonal na atleta at ang mga organisasyon na nangangasiwa rito ay magandang ehemplo ukol sa pagpapanatili ng kalusugan kasabay ng muling pagbabalik operasyon.

Sa mga miyembro ng industriya ng isports makikita ang unti-unting pag-akma sa bagong normal.

Kamakailan, napabilang ang National Basketball Association (NBA) sa 2021’s TIME 100 Most Influential Companies bilang pagkilala sa pamamayagpag nito sa larangan ng isports, sa kabila ng pandemya.

Ayon sa TIME, nang maupo si Adam Silver bilang Commissioner ng NBA noong 2014, nakitaan ng paglago ang asosasyon.

Dumoble ang taunang kita nito mula Season 2013 – 2014 hanggang 2018 – 2019 na umabot sa $9 bilyon.

Ayon sa asosasyon, makakamit sana nito ang $10 ­bilyong kita nitong 2020, subalit dahil sa pandemya ay bumaba ng 10% ang kanilang kita.

Sa kabila nito, hinangaan si Silver sa kanyang pangangasiwa sa pagpapatuloy ng pinaikling 2020 Season ng NBA, sa pamamagitan ng Orlando Bubble.

Masayang ipinamalita ni Silver na bagamat nagkaroon ng pagbabawas sa sweldo ng mga ­empleyado at mga koponan, hindi sila humantong sa malawakang pagtatanggal ng mga empleyado.

Hindi lamang krisis pangkalusugan ang ating pinagdaraanan, kundi mayroon ding krisis pang-ekonomiya.

Isinaalang-alang ni Silver ang humigit kumulang 50,000 na trabahong nakasalalay sa NBA, kasama ang mga nagtatrabaho sa arena sa US.

Siya ay naniwala na mayroong responsableng paraan ng pagbabalik sa operasyon na kanyang sinimulan, sa pamamagitan ng mahigpit na pagpapatupad ng panuntunang pangkaligtasan, pangkalusugan at regular na pagsasagawa ng COVID test.

Ngayon ay nakita n’yang tama ang kanyang desisyon.

Maging dito sa ating bansa ay patuloy din ang muling pamamayagpag ng Philippine Basketball Association (PBA).

Sa kasalukuyan ay ­pinagpipilian ng PBA kung saan idaraos ang ika-46 na Season na nakatakdang magsimula sa katapusan ng Hunyo, o sa unang bahagi ng Hulyo.
Ang mga pinagpipilian ay ang Ynares Sports Center sa Antipolo at Ynares Sports Center sa Pasig.

Ang desisyon ay nakadepende sa mga ipinapatupad na mga restriksyon at lockdown.

Nais ko ring bigyan ng pagkilala ang mga atletang gaya ni Nonito Donaire sa pagbawi ng kanyang titulong “Bantamweight World Champion”.

Si Donaire ang pinakamatandang atleta sa naturang dibisyon sa edad na 38 na nagkamit ng titulo.

Nito ring nakaraan ay pambato ng bansa sa larangan ng pole-vault si EJ Obiena na nagkamit ng gintong medalya sa Gothenburg Athletics Grand Prix sa Sweden.

Kanyang ipinamalas ang kanyang kahandaan para sa nalalapit na Tokyo Olympics na gaganapin sa Hulyo.

Hindi rin makakalimutan ang pambihirang pagkapanalo ni Kurt Barbosa sa 2021 Asian Taekwondo Olympic Qualification tournament.

Pinuri ni MVP Sports Foundation president Al Panlilio si Barbosa dahil hindi ito sumuko, sa kabila ng matinding lamang ng kalaban.

Si Barbosa ay ika-9 sa mga atletang Filipino na kuwalipikado sa Tokyo Olympics.

Kasama niya ang mga boksingerong sina Eumir Marcial, Irish Magno, Nesth Petecio at Carlo Paalam; gymnast na si Carlos Yulo; pole-vaulter na si EJ Obiena; weightlifter Hidilyn Diaz; at, rower na si Cris Nievarez.

Ang pamamayagpag ng isports, sa kabila ng pandemyang COVID-19, ay nagbibigay pag-asa sa ating lahat.

Hindi man naging mabilis ang ating pagbabalik sa normal na takbo ng buhay, mayroon pa ring paraan upang makapagpatuloy tayo kasabay ng ating patuloy na paglaban kontra COVID-19.

162

Related posts

Leave a Comment