IDINEKLARA ng Bicol PNP kahapon na naresolba na ang kaso ng pagdukot at pagpatay sa tatlong local candidates sa Donsol, Sorsogon base sa ulat na nakarating sa tanggapan ng PNP-Police Regional Office 5.
Ayon sa ibinahaging update kahapon sa SAKSI NGAYON, “Good morning, Sir. For info the case of 3 missing person as reported and the 3 found dead bodies is already solved sir.”
“The DMPS (Daraga Municipal Police Station) have convinced the legal body/court base on the facts and circumstances and evidences collected by our vigilant investigators that the culprit for the murder of 3 political candidates of Donsol is Peter Joemel Advincula aka Bikoy… case solve na po, Sir.”
Subalit hindi inihayag ng mga imbestigador kung ‘politically motivated’ ang pamamaslang bagama’t ang tatlong pinatay ay pawang mga kandidato para sa lokal na posisyon.
Kinilala ni Daraga Police chief, Lieutenant Colonel Bogard Arao ang mga biktimang sina incumbent Councilor Helen Garay ng Donsol, Sorsogon, isang vice mayoral bet; at dalawang Donsol councilor aspirants na sina Kareen Averilla, 44, at Xavier Alim Miraso, 61, parehong negosyante.
Nabatid na ang tatlong biktima ay nakitang patay at may mga tama ng bala sa katawan loob ng ukay-ukay store sa C&E Building na inuupahan umano ng isang Agnes Abo ngunit madalas nakikita roon si Advincula.
Ayon sa pagsisiyasat ng mga pulis, si Abo na isa ring pulitiko na tumatakbong independent candidate para alkalde ng Donsol, ay live-in partner ni Advincula.
Magugunitang si Advincula alyas Bikoy ay naging parte ng mainit na usap-usapan dahil sa pagkakadawit nito bilang whistleblower sa isyu ng droga at sa paglaganap ng video na pinamagatang “Ang totoong narco-list” noong 2019.
Si alyas Bikoy ay itinurong sumundo sa mga biktima kasama ng testigo at survivor sa pamamaslang na kinilalang Lalaine Herrera Amor, na isang ring political aspirant.
Batay sa salaysay ni Lalaine, gamit ang blue Toyota Vios na may plate number ABQ 6285, isa-isa umano silang sinundo ng lalaking nagngangalang si Joemel De Leon Advincula aka “Bikoy”, ang itinuturong suspek sa insidente, para ihatid sa isang pagpupulong.
Sa ‘di inaasahang pagkakataon, dakong 7:25 ng umaga noong Nobyembre 12, 2021 personal na nagtungo si Bikoy sa himpilan ng Daraga MPS upang ipagbigay-alam ang umano’y nakita niyang bangkay ng tatlong indibidwal dakong alas-8:30 ng gabi ng nagdaang araw.
Ngunit lingid sa kanyang kaalaman, nauna nang nag-report at nagbigay ng salaysay ang nakatakas na isa pa sanang biktima na si Lalaine. (JESSE KABEL)
206 