PAGPATAY SA MGA FILIPINONG ABOGADO, DAPAT TUTUKAN NG GOBYERNO

FORWARD NOW

Hinimok ng iba’t ibang grupo ng mga abogado mula sa iba’t ibang panig ng mundo ang admi­nistrasyong Duterte na protektahan ang mga Filipinong abogado laban sa dumaraming kaso ng pag-atake na may kaugnayan sa giyera kontra droga ng gobyerno.

Pitumpo’t anim (76) na international lawyers’ groups at 76 na abogado mula sa 49 bansa ang nananawagan sa kasalukuyang administrasyon na gumawa ng mga kinakailangang hakbang upang matigil na ang pagpatay sa mga abogado sa Pilipinas.

Bilang vice chair ng House Committee on Justice sa Mababang Kapulu­ngan ng Kongreso, hinihikayat natin ang pamahalaan na bumuo ng isang task force na tututok sa pagpaslang ng mga abogado sa bansa sapagkat ito ay hindi lamang banta sa legal na propesyon kundi maging sa Rule of Law ng ating bansa.

Batay sa rekord, simula pa noong Hulyo 2016 hanggang Setyembre 5, 2019 ay 41 abogado na kabilang ang mga private practitioner, piskal at hukom ang napatay kung saan 24 sa mga ito ay practicing lawyer.

Tinatayang nasa limang (5) hukom at retiradong huwes na rin ang napapatay sa magkaparehong panahon kaya halos umabot na sa 46 ang bilang ng mga napaslang.

Sa ilalim ng international law, mandato ng mga gobyerno na protektahan ang mga abogado kaya dapat bigyang garantiya ng mga kinauukulan na makapagtrabaho ang mga abo­gado nang ligtas at walang pinangangambahang banta sa kanilang buhay.

Kung magpapatuloy ang ganitong kalakaran, mas dadami ang mangangahas na sindakin ang mga kabilang sa legal profession sa bansa kaya kinakailangang gumawa ng agaran at epektibong imbestigasyon ang pamahalaan para sa mabilis na paglutas ng kaso sa nangyayaring pag-atake sa mga abogado, piskal at mga hukom.

Nakikiisa po tayo sa international lawyers’ groups sa buong mundo na nananawagan sa pamahalaan na sana’y magkaroon ng proteksiyon ang mga abogado sa Pilipinas at sana’y ma­bigyan din ng katarungan ang mga napaslang na abogado. (Forward Now / Rep. Fidel Nograles)

304

Related posts

Leave a Comment