PAGSALI NG US SA GIYERA NG ISRAEL VS IRAN APEKTADO BA TAYO?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

SA aking pananaw sa usapin ng pagsali ng Amerika sa giyera ng Israel laban sa Iran, ay siguradong apektado ang Pilipinas.

Unang tatama sa Pilipinas ay ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, sa ngayon pa lang tinatayang halos aabot sa limang piso ang itataas ng diesel.

Sa pinakahuli nating natanggap na impormasyon, nasa P2.50 ang itataas sa gasolina; P4.25 sa kerosene, at P4.30 sa diesel kada litro.

‘Yan ay dahil sa epekto ng kasalukuyang nangyayaring giyera sa pagitan ng Israel at Iran, bagama’t hindi tayo direktang kumukuha ng mga produktong petrolyo sa nanggigiyerang mga bansa.

Subalit ang mga bansa naman na kinukunan ng mga produktong petrolyo ng Pilipinas ay sa isa sa dalawang bansa na kasalukuyang nasa giyera, kumukuha ng langis na ibinebenta naman sa Pilipinas. Kaya ganoon din ang mangyayari, tataas din ang presyo talaga ng mga produktong petrolyo.

Ngayon pa lang ay nagsabi na si Steven Cua, presidente ng Philippine Amalgamated Supermarket Association Incorporated, na kapag tumaas ang presyo ng mga produktong petrolyo ang kasunod niyan ay ang pagtaas ng presyo ng grocery items.

Ayon sa kanya, ‘pag nagtaas ng presyo ang manufacturers ng kanilang mga produkto ay magdaragdag din sila ng presyo ng grocery items at siyempre tataas ang presyo ng bawat item na aabot sa consumer.

Kasama na rin sa tataas ang pamasahe na ang kasalukuyang P13 sa bawat limang kilometro sa mga pampublikong jeepney, ay baka abutin na ng P14 hanggang P15.

Ngayon ay aaray naman ang minimum wage earner dahil malaking kabawasan ‘yan sa arawan nilang sweldo.

Imbes na magagamit ng kanilang pamilya ang piso hanggang dalawang piso, ngayon ay gagamitin pa nilang pandagdag sa kanilang pamasahe araw-araw

Kung noong nakaraang taon (2024) sa mga buwan ng Hunyo, Hulyo hanggang Agosto na panahon ng tag-ulan, ay hirap na ang buhay ng mga Pilipino, ngayon ay mas matinding hirap ang ating kahaharapin kung hindi huhupa ang giyera ng Israel, Iran at Amerika.

Maraming overseas Filipino workers sa mga bansa ng Amerika, Israel at Iran ang siguradong pauuwiin ng kanilang employers.

Kung lalala pa ang giyera hanggang sa maging World War III, aabot sa Pilipinas ang bagsakan ng mga bomba dahil kaalyado natin ang Israel at Amerika.

Kung ano ang naranasan natin sa World War II ay mas matindi pa ang aabutin ngayon dahil pawang mga guided missile na ang gamit ng mga bansang mauunlad ngayon, na gagamitin na pantapat sa kanilang mga kalaban.

Tulad ng pinakahuling pambobomba ng Amerika sa mga plantang nukleyar na ginamitan ng rocket na nagmula sa 3 B2 Stealth Bombers Plane, na hanggang sa kailaliman ng nuclear plant ng Fordow sa Tehran, Iran ay winasak sa sobrang lakas nito.

Ang makabagong mga armas na ito ng mauunlad na mga bansa tulad ng China, Russia at iba pang kaalyado ng Iran, ay hindi kayang tapatan ng “Marites” at “Oscar” sa kanilang mga chismisan.

Hindi rin itong kayang tablan ng mga mangkukulam at tirador ni Tolits na kaya lang tumalab sa kapwa Pilipino.

Mas siguradong ligtas ang mga Pilipino sa masinsinan nating pagdarasal sa Panginoon na protektahan niya tayo mula sa nangyayaring giyera na kagagawan ng mga tao. Walang imposible sa Panginoon, ‘pag siya ang kumilos.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.

1

Related posts

Leave a Comment