IPINAGPATULOY na ang paghahanap sa mga labi ng missing sabungeros na sinasabing itinapon sa Taal Lake sa Batangas.
Ito ang kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) matapos ang ilang araw na masamang panahon dahil sa habagat at mga bagyo noong nakaraang linggo.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, ongoing na ulit ang search and retrieval operations ng Philippine Coast Guard sa Taal Lake.
Hindi naman kinumpirma ng kalihim kung may mga panibagong hinihinalang buto ng tao na naiahon mula sa lawa.
Sabi pa ni Remulla, matagal talaga ang hihintayin sa resulta ng DNA testing pero tuloy-tuloy ang ginagawang proseso.
Bagong Testigo
Samantala, kinumpirma ni Remulla na mayroon silang bagong hawak na testigo sa kaso.
Inaasahan aniya nila na maglalabas ng bagong detalye sa kaso ang testigo at malalaman ito ng publiko sa mga susunod o lalong madaling panahon.
“Malalaman n’yo very soon mayroon kaming bagong testigo na lalabas,” sabi pa ng kalihim.
Kung saan ayon sa naturang kalihim, hindi lamang basta testimonya ang hawak nila kundi mayroon pang tiyak na ebidensya ang ibinahagi ng naturang testigo.
Makatutulong daw ito upang mas mapagtibay ang kredibilidad ng unang lumantad na testigong si alyas ‘Totoy’. (JULIET PACOT)
150 