PAGSISIKAP NI OBIENA MAPUPUNTA SA WALA

Ni ANN ENCARNACION

NANGANGANIB hindi makalahok si world’s No. 5 pole vaulter Ernest John “EJ” Obiena sa 2022 World Athletics Indoor Championship sa Marso 18-20 sa Belgrade, Serbia.

Ito’y makaraang hindi siya makakuha ng kinakailangang endorsement mula sa Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA).

Ayon sa liham ng PATAFA  Board of Trustees na pirmado ni NCR ­Regional at National Training Director Reynato Unso, hindi nila mae-endorse ang Pinoy pole vaulter habang hindi natatapos ang mediation ng Philippine Sports Commission (PSC).

Pinayuhan pa ng Board of Trustees si Obiena na kilalanin at makipagtulungan na lang sa PSC mediation upang matapos na ang problema.

Umabante si Obiena, tanging Asian na nag-qualify sa athletics sa nakaraang Tokyo Olympics, sa World Athletics Indoor Championship nang maabot ang qualifying standard na 5.81 metro sa kanyang gold medal win sa Orlen Cup sa Poland noong nakaraang buwan.

Ngunit dahil sa gulo sa pagitan niya at ng PATAFA, malaki ang posibilidad na masayang ang pagsisikap ng Asian pole vault record holder na mahandugan ng medalya ang bansa mula sa nasabing torneo.

Nag-ugat ang gusot nang paratangan ng PATAFA si Obiena ng hindi tamang pag-liquidate o pagkwenta sa mga nagastos sa Tokyo Olympics at hindi pagpapasuweldo sa kanyang Ukrainian coach na si Vitaly Petrov. Umabot pa ang kontrobersya sa Senado.

Bunga nito, nag-alok ang PSC na mamagitan sa dalawang partido, ngunit tumanggi si Obiena kaya hindi natuloy ang mediation.

422

Related posts

Leave a Comment