PAGSUGPO SA HUMAN TRAFFICKING, PAIGTINGIN

KASABAY ng paggunita nitong Biyernes, Hulyo 30, ng World Day Against Trafficking in Persons, binigyang diin ni Senador Win Gatchalian ang kahalagahan ng pagpapatatag sa mga batas ng bansa upang masugpo ang iba’t ibang anyo ng human trafficking.

“Sa mga nalalabing buwan ng kasalukuyang administrasyon, mahalagang tutukan natin ang pagsugpo sa human trafficking, lalo na’t marami sa mga kabataan natin ang nanganganib maging biktima nito,” ani Gatchalian.

Nananatili ang “Tier 1” status ng Pilipinas sa 2021 Trafficking in Persons Report ng United States Department of State. Ibig sabihin, naipatutupad ng Pilipinas ang minimum standards upang masugpo ang human trafficking. Sa kabila nito, patuloy ang banta ng human trafficking sa kaligtasan ng mga kabataan sa bansa.

Ayon sa ulat ng State Department, karamihan sa 73 traffickers na na-convict ng pamahalaan sa ilalim ng Anti-Trafficking Act at kaugnay na mga batas, ay sangkot sa sex trafficking ng mga kabataan. Dalawampu’t lima sa mga trafficker na ito ay nang-abuso ng mga kabataan gamit ang internet. Sa mahigit 1,205 mga biktima ng trafficking na tinulungan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), 157 ang biktima ng online sexual exploitation of children (OSEC).

Matatandaang noong 2020, nakatanggap ang Department of Justice Office of Cybercrime ng mahigit 1.2 milyong Cybertipline reports mula sa National Center for Missing and Exploited Children ng Estados Unidos. Ito ay mas mataas ng tatlong beses sa 426,000 na naitala noong 2019. Naalala pa nga ni Gatchalian na may mga insidente ng mga mag-aaral na nagbebenta ng mga malalaswang larawan at video para lamang makalikom ng pantustos sa distance learning.

Matapos makita ang pag-akyat ng mga transaksyong may kinalaman sa OSEC, ibinahagi ni Cabinet Secretary Karlo Nograles ang hiling ng Pangulo sa Kongreso na amyendahan ang mga batas ukol sa trafficking upang ma-exempt ang mga trafficker sa Anti-Wiretapping Law. Ayon pa sa opisyal, dapat ding amyendahan ang mga batas kontra trafficking upang bigyan ng karagdagang mga obligasyon ang internet service providers (ISPs) at tourism establishments.

Noong nakaraang taon, inihain ni Senador Win Gatchalian ang Senate Bill No. 1794 na layong paigtingin ang Republic Act No. 9208 na una nang na-amyendahan ng Republic Act No. 10364 (Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012). Isinusulong sa ilalim ng panukalang batas ang mga kasong may kinalaman sa child trafficking, maaaring bigyang pahintulot ng regional trial courts ang law enforcers na magsagawa ng surveillance at mag-record ng mga komunikasyon at impormasyong kinasasangkutan ng mga may kaso o pinaghihinalaang sangkot sa trafficking. (ERNIE REYES)

126

Related posts

Leave a Comment