PAGTATAAS NG TARIPA NG US, MASAMA SA BANSA

RAPIDO ni PATRICK TULFO

HINDI maganda ang magiging epekto sa ating bansa ng labing-pitong porsiyentong taripa (tariff) na ipinataw sa ating mga produktong ini-export papunta sa US. Ito ay ayon kay Prof. Emmanuel Leyco, kilalang ekonomista at dating presidente ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM).

Kinontra ni Prof. Leyco ang sinabi ng ilang miyembro ng gabinete ng administrasyon, na makikinabang ang bansa rito dahil pangalawa tayo sa pinakamababang tinaasan ng taripa kasunod ng Singapore.

Sa paliwanag nito sa ating programa na may kapareho ring titulo na napakikinggan sa istasyong DZME 1530 khz RadyoTV, sinabi ng professor na ang taripang ipinataw ng administrasyon ni Pres. Donald Trump sa iba’t ibang bansa ay ibinase sa “trade deficit” ng mga ito sa US.

Kaya malaki ang ipinataw ng US sa mga produktong galing sa Vietnam at China halimbawa, ay mas malaki kasi ang export ng mga ito sa America kaysa mga iniimportang mga produkto.

Kaya hindi rin daw makikinabang ang exporters o mga negosyo rito sa Pinas. Dahil kung sakaling dito bibilhin ang produkto sa atin, kaysa Vietnam upang makatipid dahil sa mas mababa ngang taripa, ay maaaring itaas din ng US ang taripa dahil sa trade deficit.

Itinanong din ng inyong lingkod kay Prof. Leyco kung ano naman ang pwedeng gawin ng gobyerno upang maibsan ang epekto nito sa ating bansa.

Ayon dito, mas makabubuting palakasin ng gobyerno ang lokal na ekonomiya at pagtuunan ng pansin ang agrikultura upang mabawasan ang ating pag-iimporta ng mga pagkain.

May direktang epekto raw sa presyo ng mga bilihin dito sa atin ang pagtataas ng taripa ng gobyerno sa iba’t ibang bansa kahit na hindi naman kasama ito sa ating mga iniimporta.

44

Related posts

Leave a Comment