PATULOY ang paghahanap ng paraan ng pamahalaan para maibsan ang kahirapan ng mga tao, ayon kay House Speaker Martin Romualdez.
“Of course, ito ang prayoridad ng administrasyon ngayon ang paghahanap ng mga paraan para maibsan ang paghihirap ng tao lalo na sa mga araw-araw na gastusin,” ani Romualdez, sa isang panayam.
“Hindi lang kasi naha-highlight pero halos linggo-linggo namimigay ng mga bigas at cash ang administrasyon sa mga probinsya at inuuna lang ang mga nasa laylayan ng lipunan,”aniya.
Dagdag pa niya, “maraming programa ang Marcos Administration like mga scholarship sa TESDA, livelihood at business opportunity sa mga gustong magkaroon ng munting negosyo, at cash assistance o AICS ng DSWD na ipinamamahagi sa mga tao”.
Binanggit din ng lider ng Kongreso na pati ang mga magsasaka ay may mga ayuda din sa pamamagitan ng cash incentives pag binenta nila ang kanilang bigas sa gobyerno.
Tinukoy rin ni Speaker Romualdez na ang pagsasabatas ng Extended Centenarian Act o pagbibigay ng cash grant ng P10,000 sa senior citizens na edad 80 at kada limang taon ay bahagi ng Marcos Administration aid sa lahat ng centenarian at nonagenarians.
“Pumayag na rin ang Department of Trade and Industry (DTI) na taasan na ngayong March ang grocery discounts ng mga senior at PWDs sa P500 kada buwan matapos nating pakiusapan ang DTI,” dagdag ng mambabatas mula Leyte.
Pahabol pa ni Romualdez, “and we don’t stop there kasi may ongoing dayalogo kami ng PhilHealth na kung maaari ay sagutin na nila ang kalahati ng hospital bills ng mga miyembro at libre na ang mga x-ray, ultrasound, ECG, mammography at iba pang diagnostic exams”.
Giit pa ni Romualdez, pinag-aaralan na rin daw ng gobyerno ang pagsubsidiya ng mura at magandang klase ng bigas sa pamamagitan ng pag-import nito na ibebenta ng pamahalaan sa pamamagitan ng kadiwa registered stalls sa mga palengke sa buong bansa.
