NAKAKITA ng pag-asa sa kaso ng pamamaslang sa hard-hitting journalist na si Percy Lapid matapos magbigay ng ilang impormasyon ang kapatid at pinsan ng namatay na middleman.
Kabilang umano sa mga ibinahagi ng kapatid ng nasawing si Jun Globa Villamor ang mga pangalan na makatutulong sa kaso.
Ayon kay Department of Justice (DOJ) spokesperson Mico Clavano bineberipika na nila ang mga ibinigay na impormasyon ng kapatid ni Villamor.
Isinailalim na sa Witness Protection Program ng ahensya ang kapatid ng nasabing middleman para matiyak ang kaligtasan nito.
Bukod dito, may ibinunyag din umano si Jose Villamor, pinsan naman ng namatay na middleman.
Ayon kay PNP Chief PGen. Rodolfo Azurin Jr., pinagtatagpi-tagpi na nila ang mga isinalaysay ni Jose upang matukoy ang totoong mastermind sa krimen.
Gayunman, hindi pa aniya maisasapubliko ang mga impormasyon hangga’t nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Nasa kustodiya na ng PNP si Jose at tiniyak ni Azurin na secured at ligtas ito.
Una nang sinabi ng PNP na solido pa rin ang kaso laban sa mga nasa likod sa pamamaslang kay Lapid kahit namatay na ang isa sa mga itinuturong middleman sa kaso.
Nasa Kamay Ng DOJ
Samantala, ipinaubaya ng PNP sa Department of Justice (DOJ) ang pagpapanagot sa pamunuan ng Bureau of Corrections (BuCor) sa pagkasawi ni Villamor.
Sinabi ni Azurin na ang DOJ ang siyang tutukoy kung nagkaroon nga ba ng lapses o kapabayaan sa panig ng BuCor na humantong sa pagkamatay ni Villamor.
Una nang nagpahayag ng pagdududa si Azurin sa biglaang pagkamatay ni Villamor at hindi rin nito isinasantabi ang posibilidad na nagkaroon ng “foul play” sa pagkamatay nito.
Mahigpit Na Seguridad
Nanawagan naman si Senador Risa Hontiveros na higpitan ang seguridad at proteksyon sa pamilya ni Percival ‘Percy Lapid’ Mabasa.
Sinabi ni Hontiveros na humingi ng tulong ang pamilya Lapid sa kanya nang dalawin niya ang mga ito.
“Nangangamba ang buong pamilya ni Percy. Ang mga anak ni Percy ay pinapadalhan ng mga pagbabanta sa Facebook o sa personal nilang mga cellphone numbers. May isang nakatanggap pa ng text message na sinabing siya na ang susunod,” giit ni Hontiveros.
Sinabi ni Hontiveros na hindi siya kumbinsidong “solved” na ang kaso ng pagpaslang gaya ng ipinahayag ng pulisya kamakailan.
“The circumstances surrounding the murder created more questions than answers. Hindi porket na-identify ang mga suspect ay tapos na ang kaso. The case is far from solved. Paano nga din magiging solb na kung hanggang ngayon ay nakakatanggap ang pamilya ng pananakot?” tanong ni Hontiveros.
Kaugnay nito, lubhang ikinalungkot naman ni Poe ang pagkamatay ng sinasabing middleman sa pagpaslang kay Lapid na malaking dagok sa justice system dahil naputol ang pangunahing kondisyon na lulutas sa pagpaslang.
“It’s a shame that the family and friends of the victim will deal with a drawn-out investigation. This death will further hinder due process. The Bureau of Corrections owes it to the victim’s loved ones to quickly investigate this new murder and find new evidence that can point us to the mastermind of the series of crimes that has been committed,” giit ni Poe.
Nangangamba si Poe na maisasama lamang ang hindi nalulutas na murder na ito sa malagim na estadistika ng media killings at mas lalong nagpapalakas ng loob sa mga salarin.
Si Senador Raffy Tulfo naman ay nababahala sa seguridad ng tatlo pang preso na pinangalanan ng kapatid ng nasawing middleman umano sa pamamaslang.
Ito ang dahilan kaya’t unang tumanggi si Tulfo na isapubliko ang pagkakakilanlan ng tatlo.
Sa pagdulog sa senador ng ate ng ‘middleman’ umano na si Jun Villamor, iginiit nito na natatakot din siya sa kanyang seguridad.
Batay sa salaysay ng “Ate”, nakausap pa niya ang kanyang kapatid magtatanghali ng October 18, ilang oras bago ito nasawi.
Pinangalanan anya ng kanyang kapatid ang tatlong preso na dapat paimbestigahan sakaling siya ay mapatay sa kulungan.
Agad namang nakipag-ugnayan si Tulfo kay Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla tungkol sa impormasyon para maimbestigahan at masilip na rin ang posibilidad na makatestigo ang mga ito sa kaso.
Ipinaabot din ng senador kay Remulla ang kahilingan ng “Ate” na maiuwi ang bangkay ng kapatid sa probinsya nila sa Leyte na sinang-ayunan ng Kalihim pagkatapos ng isasagawang ikalawang independent autopsy kay Villamor. (JESSE KABEL/ESTONG REYES/DANG SAMSON-GARCIA)
